MANILA, Philippines — Natapyasan ang porsyento ng mga walang trabaho sa Pilipinas, ayon sa huling ulat ng gobyerno ngayong Huwebes.
Mula sa 5.4% noong Hulyo, sinabi ng Philippine Statistics Authority na nabawasan pa ito — 4.5% na lang para sa Oktubre 2019.
Ayon sa Trading Economics, ito na ang "lowest on record" na unemployment rate, na malayo sa 13.9% all-time high noong unang kwarto ng 2000.
Napag-alaman ding mas maraming unemployed ang lalaki (61.4%) kumpara sa kababaihan (38.6%) sa nakalipas na buwan.
In October 2019, the unemployed person by sex comprised of 61.4% males and 38.6% females. #Oct2019LFS
— @PSAgovph (@PSAgovph) December 5, 2019
Sa lahat ng mga rehiyon, narito ang limang may pinakamalaking porsyento ng walang trabaho:
- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (6.6 %)
- Calabarzon (5.8%)
- Ilocos Region (5.2%)
- Caraga (4.6%)
- National Capital Region (4.6%)
Sa hanay ng youth sector, napag-alaman ding 12.8% ang unemployment rate.
Mas mataas naman ang bilang ng mga kabataang wala na ngang trabaho, hindi na nga nag-aaral at hindi pa sumasailalim sa pagsasanay (Not in Employment, Education and Training) — 17.1%.
Porsyento ng may trabaho 'tumaas din'
Noong nakaraang buwan, sinasabing 95.5% naman ng kabuuang labor force ang kasalukuyang may trabaho.
Mas mataas ang bilang na 'yan kumpara sa 94.9% na employment rate noong parehong buwan ng 2018.
Pinakamataas ang porsyento ng may empleyo sa Zamboanga Peninsula na nakakuha ng 98.1% habang kulelat ang BARMM na nay 93.4%.
Lumalabas din na 68.7% ang may full-time na trabaho habang 30.5% naman ang nagtratrabaho ng part-time.
Pumapalo naman sa 41.8 oras kada linggo ang karaniwang inilalaan na oras ng mga empleyado sa bansa, mas mababa sa 42.8 oras noong 2018.
Pumapatak naman sa 14.9% ng kabuuang bilang ng kumakayod ang kabataan.