ALBAY , Philippines — Umakyat na sa 17 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Tisoy sa Bicol Region, Southern Tagalog at Eastern Visayas.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) V, lima ang nasawi sa Bicol Region; lima sa Oriental Mindoro; dalawa sa Marinduque; isa sa Ormoc City, Leyte at apat sa CALABARZON.
Naitala naman sa 18 katao ang nasugatan habang dalawa pa ang nawawala.
Ang bagyong Tisoy na nagdulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan at hangin ay sumira ng 6,382 kabahayan.
Ang Albay na pinakagrabeng hinagupit ay nagdeklara na ng state of calamity. Ito’y para magamit ng lokal na pamahalaan ang 30% sa calamity fund ng lalawigan para sa disaster response at recovery operations.
Sa inisyal na pagtaya, aabot sa P667,331,940 ang napinsala sa mga pananim, fish ponds at mga bangka gayundin ang mga alagang hayop sa Bicol Region.
Naitala naman sa P156,524,438.50 ang napinsalang mga pananim at livestock sa MIMAROPA.
Umabot naman sa 123,912 pamilya o 495,408 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Regions III, IV A, V, National Capital Region at MIMAROPA.
Sa pinakahuling ulat ng PAGASA, patuloy ang paghina ng bagyong Tisoy habang kumikilos pakanluran hilagang kanluran ng West Philippine Sea.
Ngayong Huwebes, si Tisoy ay tuluyan nang nasa labas ng bansa.