MANILA, Philippines — Inspirado ang koponan ng Pilipinas sa paghakot ng gold medals para sa pinapangarap ng bansa na maideklarang overall champion sa ginaganap na 30th SEA Games sa bansa.
Ayon sa Philippine Sea Games Organizing Committee (Phisgoc), unang araw pa lamang ng SEA Games ay nalagpasan na ng Pinas ang 24 gold medals na nakuha ng mga atletang Pinoy sa 2017 SEA Games sa Malaysia.
Sa ikatlong araw, nakapagtala na ang Pilipinas ng 47 na gintong medalya bukod pa sa silver at bronze medals na nasungkit ng mga manlalaro sa iba’t ibang sports events.
Target ng Pinas na malagpasan ang all-time high gold medal haul ng Pilipinas noong 2005 na umabot sa 112 gintong medalya. Ang 2005 SEAG ay ginanap din noon sa Pinas.
Matatandaang, hindi na nakabawi ang Pilipinas sa performance nito sa SEAG dahil noong 2017, 41 gold medals lamang ang naipanalo, 38 gold medals noong 2009, 36 gold medals noong 2011, tig-29 gold medals noong each 2013 at 2015, at 24 gold medals lamang noong 2017.
Umaasa ang mga organizers ng SEAG at mga sports officials ng bansa na muling masungkit ng Team Philippines ang kampeonato dahil sa mga bagong tatag na mga sports facilities na olympic standard gaya ng sports stadium at aquatic center sa New Clark City sa Tarlac.
Ayon mismo sa mga atleta, inspirado silang makipaglaban sa kani-kanilang sports events dahil sa suporta sa kanila ni Pangulong Duterte at sambayanang Pilipino.
Ganado rin ang mga atletang Pinoy dahil dumarayo ang mga kababayang Pilipino sa iba’t ibang sports venues upang manood at magbigay suporta sa kanila.
Maging ang Olympic Committee of Asia ay napabilib sa hosting ng Pinas sa SEAG kaya hinikayat ni OCA Vice President Jizhong Wei ang Pilipinas na mag-bid para sa 2030 Asian Games.