MANILA, Philippines — Kinalampag ni Sen. Imee Marcos ang Department of Education, Department of Health at Department of Social Welfare and Development kaugnay sa kanilang mga programa sa edukasyon at nutrisyon matapos lumabas na kulelat ang Pilipinas sa reading comprehension sa 79 na bansa.
Sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2018, nakakuha ng 340 puntos ang mga mag-aaral mula sa Pilipinas. Mas mababa ito sa average na 487 puntos.
Nasa 600,000 mag-aaral na edad 15 sa 79 bansa ang ang sumailalim sa pagsusulit ng PISA. Karamihan sa mga mag-aaral na nasa edad 15 sa Pilipinas ay nasa Grade 9.
Nangulelat din ang bansa sa Mathematics at Science, na pumangalawa sa nakakuha ng pinakamababang ranggo.
Naniniwala si Marcos na malaki ang ginagampanang papel ng tatlong ahensiya sa pag-aaral ng mga kabataan.
Sabi ni Marcos, ang kakulangan ng mga guro sa K-to-12 at pag-apaw ng mga estudyante sa mga silid-aralan ay dagdag problema na dapat pag-isipan ng DepEd.
Tanggap naman ng DepEd ang pangungulelat ng Pilipinas sa PISA.
Ayon kay Education Undersecretary at Spokesperson Annalyn Sevilla, ito ang unang pagkakataon na sumali ang bansa sa naturang assessment dahil nais umano nilang matukoy ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa bansa.
Aminado si Sevilla, na batay na rin sa performance ng mga mag-aaral sa National Achievement Test (NAT) sa bansa, ay inaasahan na nilang mababa ang makukuhang grado ng mga ito sa PISA.