MANILA, Philippines — Hindi lang buhay kung hindi kabuhayan din ang nawala sa ilang magsasaka matapos ipadama ng bagyong "Tisoy" ang kanyang bagsik sa ilang probinsya sa Luzon.
Ayon sa datos ng Department of Agriculture, umabot na sa P531.61 milyon ang pinsalang idinulot ng bagyo.
Total areas affected now at 14,637 ha pic.twitter.com/uq2PYxlr1d
— Shyla Francisco (@ShylaFrancisco) December 4, 2019
Ilan lang sa mga ani na pangunahing tinamaan ay palay (60%), mais (12.63%) at iba pang high-value crops (27.38).
Kung susumahin, nasa 18,455 metric tons ang nasirang pananim na aanihin pa lang sana habang kulang-kulang 14,637 ektarya naman ang apektadong bukirin.
Tinatayang 3,808 na magbubukid ang naperwisyo ng mga hangin at pag-ulan, na umabot pa nga sa Signal No. 3 sa ilang probinsya't lungsod.
Kaugnay nito, nananawagan na si Sen. Risa Hintiveros na mabigyan ng tulong pinansyal at pansamantalang trabaho para sa mga nasalantang nagbubungkal.
Aniya, mahalaga raw na maibigay na ng gobyerno ang P12,000 ayuda na matagal na nilang inaasaham, maliban sa P6.5 bilyong cash assistance na una nang ipinangako sa kanila.
Bago pa man daw ang typhoon, patong-patong na raw ang problema ng mga magsasaka, gaya ng ilang buwang tagtuyot na nagdulot ng P7.96 bilyong pinsala noong Abril.
"Kalunos-lunos ang hinaharap na Pasko ng mga magbubukid dahil sa sunod-sunod na hamon. Wala ni isang magsasakang magpa-Pasko nang masaya, lalo na kung hindi nila makakuha ng suporta sa kanilang kabuhayan ngayong taon," sabi niya sa magkahalong Inggles at Filipino.
Una nang naiulat na 11 ang iniwang patay ng bagyo. — may mga ulat mula sa News5