MANILA, Philippines — Lalo pang umakyat ang bilang ng mga binawian ng buhay habang papalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyong "Tisoy" ngayong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa situation report ng Philippine National Police Police Regional Office 5, lima ang sinasabing patay sa Bikol:
- 1 sa Libmanan, Camarines Sur (nakuryente)
- 1 sa Bulan, Sorsogogon (pagkalunod)
- 1 sa Sorsogon City, Sorsogon (patay sa evacuation center)
- 1 sa Goa, Camarines Sur
- 1 sa Pili, Camarines Sur (nalunod)
Sa rehiyon naman ng MIMAROPA, lima rin ang nasawi, dagdag din ng PNP:
- Ildefonso Reyes de los Santos, 59-anyos, sa Baco, Oriental Mindoro (Nabagsakan ng puno)
- Jessie Santos, 37-anyos, sa Panamalayan, Oriental Mindoro (nabagsakan ng puno)
- Efren de Guzman Cueto, 48-anyos, sa Pinamalayan, Oriental Mindoro (inatake sa puso)
- Domindor Motol Lazo, 64, anyos, sa Pinamamalayan, Oriental Mindoro (inatake sa puso)
- Bernabe Minay Lundag, 38-anyos, sa Gasan, Marinduque (nabagsakan ng puno ng niyog)
Ayon naman sa Office of Civil Defense 8, isa naman ang patay sa Ormoc City, Leyte dahil sa "severe head iniury" at "internal hemorrhage" nang mabagsakan ng puno habang naglalakad nitong Lunes.
Umabot na sa 495,408 katao tinutulungan sa Central Luzon, Bicol, Eastern Visayas, National Capital Region at MIMAROPA. ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Miyerkules ng umaga.
Sa bilang na 'yan, 458,020 katao ang nasa loob ng mga evacuation centers habang 37,388 naman ang nasa labas nito.
Umabot na sa 38 ang kabahayang nawasak sa Bicol, Western Visayas, Cordillera Administrative Region at Caraga Administrative Region.
Sa bilang na 'yan, 18 ang wasak na wasak habang 20 ang bahagyang napinsala lamang.
Nasa 329 domestic flights at 192 international flights naman ang naantala dahil sa masamang panahon.
Matatandaang ibinaba naman ng PAGASA ang pagiging typhoon ng bagyong "Tisoy" Miyerkules ng umaga at ngayo'y isang severe tropical storm na lamang.