Hatol sa Maguindanao massacre ilalabas sa susunod na 2 linggo
MANILA, Philippines — Matapos ang sampung taon, nalalapit nang maglabas ng hatol sa madugong Maguindanao massacre sa susunod na dalawang linggo.
Sa kautusang inilabas ni Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes, sinabi ang sumusunod:
"Let the promulgation of Judgement in the above-entitled cases be set on December 19, 2019," ayon sa order.
Nakatakda itong ilabas bandang alas-nuebe ng umaga at isasagawa sa Quezon City Jail-Annex, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Ang dokumento ay pinetsahan noong ika-29 ng Nobyembre.
Inilabas ito matapos pagbigyan ng Korte Suprema ang isang hukom sa Lungsod ng Quezon na magbigyan ng karagdagang oras para makapagdesisyon sa mutiple murder case.
Matatandaang 58 ang napatay sa insidente na nangyari sa Ampatuan, Maguindanao noong ika-23 ng Nobyembre, 2009, kung saan mahigit 30 rito ang kawani ng media.
Ilan sa mga pinangalanang akusado sa malagim na trahedya ang noo'y Datu Unsay mayor na si Andal Ampatuan Jr., na hinahamon noon ni Esmael Mangudadatu sa pagkagobernador sa 2010 national elections.
Maliban sa mga mamamahayag, napatay din doon ang misis ni Mangudadatu, kanyang dalawang kapatid, at iba pa na patungo na sana sa paghahain ni Esmael ng certificate of candidacy.
Una nang tinawag ng Committee to Protect Journalists ang Maguindanao massacre bilang "single deadliest event for journalists" simula noong 1992. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest