Bicol, Eastern Visayas pinaghahanda kay Tisoy
BICOL, Philippines — Pinaghahanda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga residente ng Bicol at Eastern Visayas dahil sa mga pagbaha sa pagpasok ng bagyong Tisoy.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magla-landfall ang bagyong Tisoy sa Bicol Region ngayong Lunes ng gabi o Martes ng umaga na may maximum sustained winds na 140 kph malapit sa gitna at bugso na 170 kph sa bilis na 20 kph.
Itinaas na ang typhoon warning signal no. 2 sa Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Samar, Northern at Eastern Samar, at Sorsogon.
Habang signal no. 1 sa Aklan, Antique, Aurora, Batangas, Biliran, Bulacan, Camarines Norte, Capiz, Cavite, Dinagat Islands, Guimaras, Iloilo, Laguna, Leyte, Marinduque, Masbate kabilang ang Burias at Ticao Islands, Metro Manila, Northern at Metro Cebu, northern portion ng Negros Occidental, eastern portion ng Nueva Ecija, Oriental Mindoro, Quezon kasama ang Pollilo Islands, Rizal, Romblon, Siargao Island at Southern Leyte.
Samantala, inalerto na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang iba’t ibang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) units para sa paparating na bagyo.
Ayon kay AFP spokesman Edgard Arevalo na ang HADR units ay sanay at equipped sa pagsasagawa ng searh, rescue at retrieval operations.
Inalerto na rin ni PNP officer-in-charge Archie Gamboa ang lahat ng police commanders sa daraanan ng bagyong Tisoy at magsagawa na ng preemptive evacuations at iba pang disaster response.
- Latest