MANILA, Philippines — Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na seryoso siya nang mabanggit niya kamakailan na nagtapon siya ng mga bangkay ng mga druglord sa Manila Bay, Laguna Bay at sa bangin ng Tuba, Benguet para kontrahin ang paratang ng mga kritiko na nabigo ang kanyang drug war na madakip ang malalaking isda sa industriya ng iligal na gamot.
“Oo seryoso. And I will call the representatives of the human rights to witness the event. Galit talaga ako sa droga,” sabi ng Pangulo sa CNN Philippines.
Ipinahiwatig ng Pangulo na may mga namatay ng drug lords bagaman at hindi napapaulat.
“Wala raw drug lord na namatay? Oh come on. Kaya sabi ko, nariyan ang……You separate the shaft from the grain. Kasi itong mga ito sa kagustuhan nilang siraan ka at gawing kapani-paniwala sila,” sabi ng Pangulo.
Sa talumpati ng Pangulo sa Malacañang noong Huwebes ng gabi, sinabi ng Pangulo na nagtapon siya ng mga katawan ng mga pinaghihinalaang drug personalities sa Manila Bay, Laguna de Bay at Benguet.
Ilan sa kanila ang brutal na napaslang sa mga police dragnet operation pero may ibang nagtatago tulad ni dating Iloilo Mayor Jed Mabilog makaraang batikusin siya sa harap ng publiko ng Pangulo noong nakaraang taon.
“Bakit si Parojinog hindi ba mayor, si Espinosa hindi ba mayor? Si Mabilog sabi ko p….mo papatayin kita, di sumibat. Hindi ba…Naliliitan ka? Si Odicta? Hindi drug lord, small time?” dagdag niya.
Tinukoy ng Pangulo ang mga napaslang na sina dating Ozamiz mayor Reynaldo Parojinog, Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa, suspected drug lord Malvin Odicta na napaslang dahil sa iligal na droga.
“Iyong mga hindi ninyo alam na drug lord, nasaan na sila ngayon? Hindi ninyo alam kasi hindi ninyo naman talaga alam. Hindi kayo pulis, maging pulis lang kayo nang isang araw, you’re appointed pulis pagka. Kinabukasan mas deadly ka pa sa pulis magsalita,” dagdag niya.
Idiniin pa ng Pangulo na tinatakot lang niya ang mga kalaban sa pulitika o sa kanyang giyera laban sa iligal na droga at katiwalian. Hindi siya anya tanga para amining inutos niya ang mga pagpatay. Tinatakot lang niya ang mga target para pigilin ang mga ito sa iligal na gawain.