Contingency plan sa SEA Games kasado

Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na nakalatag na ang contingency plan sa Central at Southern Luzon gayundin sa National Capital Region (NCR) na pagdarausan ng SEA Games.

Sa paparating na super bagyo

MANILA, Philippines — Nakahanda na ang contingency plan sa pagsisimula ng 30th SEA Games bukas sakaling maapek­tuhan ng pararating na super typhoon “Tisoy” ang mga lugar na pagdarausan nito.

Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na nakalatag na ang contingency plan sa Central at Southern Luzon gayundin sa National Capital Region (NCR) na pagdarausan ng SEA Games.

Nilinaw naman ng speaker na siya ring chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na karamihan naman sa sport ay indoors.

Umaasa naman si Cayetano na hindi magtutuluy-tuloy at magiging malalakas ang pag-ulan dahil may sports tulad ng football na sa labas talaga ginagawa. 

Kasabay ng opening ceremony ngayong araw sa Philippine Arena ay pinayuhan ni Cayetano ang mga supporters at mga manonood na pumunta ng mas maaga ng isa o dalawang oras para hindi maipit sa traffic papuntang Philippine Arena sa Bulacan. 

Paliwanag ni Cayetano, kahit may mga interchange na binuksan at wala namang pasok ng Sabado ay inaasahan ang 50,000 na manonood sa opening pa lamang ng palaro. 

Pinayuhan din niya ang mga manonood na huwag na lang magdala ng sasakyan dahil may P2P buses na itinalaga sa iba’t ibang terminal para sumundo at maghatid sa mga manonood. 

Kung hindi naman maiwasan magdala ng sasak­yan ay inirekomenda ni Cayetano na mag-carpooling na lamang para bawas sa traffic bukas.

Samantala, ang world gymnastics champion na si Carlos Edriel Yulo naman ang magiging torch bearer sa opening rites ngayon ng SEAG.

Habang si Hidilyn Diaz, EJ Obiena, Nesthy Petecio, Eumir Marcial, Margielyn Didal at Kiyome Watanabe ang magiging Philippine Flag bearers.

Ang SEAG games ay lalahukan ng 11 mga bansa mula sa South East Asia na gaganapin simula nga­yong araw Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Show comments