Sa SEA Games opening
MANILA, Philippines — Nanawagan sa mga motorista ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na iwasan muna ang EDSA na isa sa kalsadang pangunahing daraanan ng mga delegado at atleta sa pagbubukas ng Southeast Asian Games (SEAG) sa darating na Nobyembre 30.
Sinabi ni MMDA Edsa Traffic Head Edison Nebrija na kailangang pagbigyan ang mga convoy ng mga delegado at atleta na magtutungo sa Philippine Arena sa Bulacan buhat sa mga tinutuluyang hotel sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at Tagaytay City.
Maaari pa rin namang dumaan sa EDSA ngunit kung maaari ay iwasan lalo na ang northbound mula ala-1 hanggang alas-5 ng hapon na siyang oras ng pagbiyahe ng mga delegado at atleta.
Iginiit ni Nebrija na ang tagumpay sa paghatid sa mga atleta mula sa mga hotel patungo sa mga competition venues ay maituturing na “pride” na maipagmamalaki ng mga Pilipino.
Hindi na umano kailangang dumagdag ang problema sa trapiko dahil sa ‘volume’ ng mga sasakyan sa iba pang suliranin na napansin sa hosting ng bansa sa SEAG.
Magpapatupad ang MMDA ng ‘stop and go scheme’ sa mga rutang daraanan ng mga convoys para sa mas mabilis na biyahe habang 2,000 tauhan nila ang ikakalat sa mga kalsada na karamihan sa kanila ay magsisibling human barricade sa “yellow lane” ng EDSA.