Kamara at Senado nagtuturuan
MANILA, Philippines — Isinisisi ni House Speaker Alan Cayetano sa Senado ang mga nangyayaring aberya at isyu na nararanasan ngayon sa Southeast Asian (SEA) Games.
Sinabi ni Cayetano na tama lang ang naunang pahayag nina Deputy Speaker Michael Romero na isisi kay Senate Minority leader Franklin Drilon dahil sa delayed na budget approval.
Giit pa ng kongresista, chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), si Drilon ang nagpanukala na pagbawas ng 33% at paglilipat ng budget ng SEA games sa Philippine Sports Commission.
Subalit ibinato naman ni Drilon sa Kamara ang sisi dahil late ang Mababang Kapulungan sa pag-apruba sa budget bunsod ng mga isiningit dito na pondo.
Sa gitna ng nangyayaring sisihan sa kakulangan ng preparasyon sa Southeast asian SEA Games, inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na posibleng binubuweltahan at nadamay ang pangalan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil sa ginawa nitong pagpuna sa P50 milyong halaga ng kaldero o cauldron.
Naniniwala si Sotto na walang basehan ang paninisi kay Drilon o kaya ay sa Senado sa delay na pagpasa ng 2019 national budget.
Ipinaalala rin ni Sotto na sa halip na ipasa ng House of Representatives sa Senado ang panukalang budget noong Octubre 1, 2018, isinumite ito noong Nobyembre 24, 2018.
Idinagdag ni Sotto na hindi naman maaring tanggapin na lamang ng Senado ang isinusubo sa kanila ng Kamara.
Ipinaalala rin ni Sotto na may ginalaw sa pambansang pondo ang Kamara na hindi lamang P75 bilyon kundi P95 bilyon na nakita ni Pangulong Rodrigo Duterte at na-veto.
- Latest