MANILA, Philippines — Inisa-isa kahapon ng Malacañang ang mga puntong naging basehan ni Pangulong Rodrigo Duterte para tanggalin si Vice President Leni Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagdesisyon kamakalawa ng gabi ang Pangulo na sibakin si Robredo dahil sa ginagawa nitong ‘grandstanding’.
“She had it coming. Unang-una, marami siyang missteps, at sinabi nga ni Presidente - iyong kanyang pakikipag-usap sa mga dapat niyang kausapin - kinakausap niya ay iyong mga Amerikano, iyong UN officials,” wika ni Panelo.
Bukod dito, maliwanag naman sa Executive Order na lumikha sa ICAD ang scope ng awtoridad ng co-chair kaya ang sabi ng Pangulo ay basahin lamang niya ito at unawain pero kung mas nais niya ng dagdag na power ay dapat nakipag-usap agad siya sa Pangulo.
Bukod dito, sabi ni Panelo, iyong presidente mismo ng Partido Liberal was asking the President to fire her, ‘di ba, si Pangilinan,” dagdag pa ng spokesman ng Pangulo.
Ang pinakamatindi, si VP Leni noong nagsalita si Presidente, ano ang naging tugon niya? Sabi niya, “Kung ayaw mo sa akin, di sabihin mo.” Ayun, pinagbigyan siya,” sabi pa ng presidential spokesman.