Parusang ligal itinulak kontra Raffy Tulfo sa pagpapa-resign sa guro
MANILA, Philippines — Kinundena ng militanteng grupo ng mga guro ang television at radio broadcaster na si Raffy Tulfo dahil sa diumano'y pamimilit niya na magbitiw ang isang guro na nagtangkang "disiplinahin" ang isang estudyante.
Sa November 21 episode ng "Raffy Tulfo in Action," matatandaang inireklamo ng lola ng bata ang isang guro nang makagalitan dahil sa 'di pagbabalik ng report card.
Pinapili ni Tulfo ang guro na humarap sa kasong kriminal o magbitiw sa trabaho — dahilan para piliin niya ang huli.
Dahil dito, umani ng batikos ang mga aksyon ng kontrobersyal na media personality.
"[N]ais naming na humarap si G. Tulfo sa administratibo at ligal na pananagutan dahil sa kanyang mga aksyon," ayon sa Alliance of Concerned Teachers sa Inggles, Lunes.
Aniya, 'di patas, malisyoso at hindi mainam ang trial by publicity na naranasan ni Melita Limjuco.
Sang-ayon din ang ACT sa naunang pahayag ng Department of Education na paglabag sa right to due proccess ng guro ang ginawa ni Tulfo.
Wika ng DepEd, hindi tama ang on-the-spot compromise na ginawa ni Tulfo kapalit ng 'di pagsasampa sa kanya ng kaso: "Ang mga insidente ng pang-aabuso sa mga bata ay hindi idinadaan sa kompromiso."
"Sa kabila nito, may karapatan ang mga guro sa due process, na hindi ibinigay [kay Limjuco] sa palatuntunan."
Ayon pa sa ACT, naniniwala silang may kapintasan din talaga ang paghahawak ng mga eskwelahan sa mga isyu ng child abuse, lalo na't hindi raw mahusay na nanaipaghihiwalay ang usapin ng pang-aabuso at pagdidisiplina.
Sa ngayon, tanging ang "Positive Discipline in Everyday Teaching" lang daw ng DepEd ang sanggunian ng kaguruan para rito, na maganda raw sa teorya ngunit mahirap daw ipatupad sa aktwal.
"'Yung 1:60 teacher-student ratio pa lang malaking balakid na sa pagsiguro na naibibigay ang pangangailangan ng lahat ng bata, maliban pa sa pagkadami-raming trabahong binabalikat ng mga guro dahil sa kakulangan ng kawani at school resources," sabi pa ng alyansa.
Mungkahi ng grupo, sana'y 'di na humigit pa sa 35 ang regular na laki ng klase upang mahusay na makapagturo ng academics at mabuting asal sa mga bata.
Sana rin daw ay makapagbalangkas ng "positive discipline handbook" na wasto sa pampublikong paaralan at maipasa na ang Teacher Protection Act (House Bill 220)
Tulfo mangiyak-ngiyak, nagpaliwanag
Kanina, inamin ni Tulfo sa kanyang palatuntunan na hindi niya maiwasang maluha nitong nagdaang Sabado't Linggo matapos birahin online.
Sa kabila nito, sinabi niya na naiiyak siya hindi dahil sa pamba-bash, ngunit dahil sa nakuhang suporta.
"Nakita ko po talaga first hand ‘yung kanila pong pag-aalala para sa akin, ‘yung kanila pong pag-depensa sa akin. I was touched kasi gawain ko po na mag-depensa sa mga tao na inagrabyado, dito sa programa," sabi niya.
"Noong over the weekend, naluha ako eh. Hindi dahil naawa ako sa sarili ko kung ‘di dahil natuwa ako na ang dami palang nagmamahal sa’kin."
Inamin ni Tulfo na nagkaroon siya ng "lapse in judgement" nang papiliin ang guro kung makakasuhan o magre-resign, ngunit sana'y tinignan din ang punto de bista ng bata.
"Kaya n’ung Friday, binabawi ko na po ‘yung suwestiyon na ‘yun. Si teacher, hindi po nagresign. Si teacher, hindi po natanggalan ng lisensya. Si teacher po ay hindi nakasuhan sa korte ng child abuse. Wala po lahat. Okay?" sabi niya.
"Pero despite that, ang dami pong mga nanggagalaiti. Hindi ko alam kung ano ang pakay nitong mga nanggagalaiti. Ang masakit nga po at ako’y nagagalit dahil ‘yung bata po dinadamay nila sa kanilang bashing, maging ‘yung mga magulang."
Itinanggi din niya ang paratang ng ilan na kontra-guro ang kanyang inasal, at itinala ang dami ng teachers na natulungan niya sa 10 taon ng "Wanted sa Radyo."
"Now, marami pong nagsasabi na ako’y anti-teacher. Heck, no," paliwanag niya.
Ilan sa mga natulungan niya raw ang mga gurong nabiktima ng mga scam at "loan sharks." — may mga ulat mula kay Deni Rose M. Afinidad-Bernardo
- Latest