^

Bansa

Kahit sinisante, VP Leni isasapubliko mga 'natuklasan' nang maging anti-drug czar

James Relativo - Philstar.com
Kahit sinisante, VP Leni isasapubliko mga 'natuklasan' nang maging anti-drug czar
"Sa mga susunod na araw magbibigay ako ng ulat sa bayan. Sasabihin ko ang aking natuklasan at ang aking mga rekomendasyon," ani Vice President Leni Robredo.
The STAR/Joven Cagande, File

MANILA, Philippines — Bagama't tinanggal na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagiging co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs, hindi raw magtatapos ang laban ni Bise Presidente Leni Robredo laban sa iligal na droga.

Linggo nang sinsantehin ni Digong ang ikalawang pangulo sa ICAD, na tutol sa madugong pamamaraan laban sa droga, sa posisyon bilang tugon sa pagnanais niyang mareporma ang approach ng pamahalaan sa problema.

Bumwelta naman si Robredo sa ginawa sa kanya ng presidente sa isang press conference sa Camarines Sur, Lunes.

"Sa mga susunod na araw magbibigay ako ng ulat sa bayan. Sasabihin ko ang aking natuklasan at ang aking mga rekomendasyon," ani Robredo.

"Makakaasa kayo: kahit tinanggalan ako ng posisyon, hinding-hindi nila kayang tanggalin ang aking determinasyon."

Sabi pa niya, hindi naman niya hiningi ang trabaho sa ICAD ngunit sineryoso niya ang tungkuling ipinasa sa kanya ni Digong.

Dismayado naman siya sa inasal ng Palasyo nitong nagdaang dalawang linggo, na "walang tigil" daw sa pambabatikos sa kanya: "Mahina raw ako sa krimen. Huwag daw akong makialam sa pulis. Hindi raw ako mapagkakatiwalaan. Pinagtulung-tulungan at pinagkaisahan ako para hindi magtagumpay."

Kanyang pagtataka, parehas lang naman daw ang kanilang layunin na matapos ang problema at sana'y nagtulungan na lang.

"Alalahanin natin na ang droga at mga drug lord ang kalaban—hindi ako, at lalong hindi ang taumbayan," patuloy pa niya.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang magbanggaan sina Robredo, presidential spokesperson Salvador Panelo at Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino, na co-chair din ng ICAD.

Tutol kasi sina Aquino at Panelo sa pagbibigay kay Robredo ng hinihingil listahan ng high-value targets sa war on drugs.

"Medyo hindi kami pumapayag dun kasi in the first place, chairman lang siya ng isang committee. It is beyond her mandate na para humingi ng kung ano-anong listahan na tingin ko walang purpose ang listahan na yun," wika ni Aquino.

"Why are you getting the list of drug addicts? Inisip ko kasi, we are just, she’s just my co-chairperson, just presiding over a committee, that is ICAD. Hindi ko maintindihan what is the list for, why is she asking all these things?"

Ang nasabing listahan ay kailangan daw ni Robredo upang magampanan niya nang mahusay ang tungkulin sa ICAD.

Pagtataka tuloy Leni, bakit siya kailangang pagkaitan ng mga hinihinging datos.

"Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ko? Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ng taumbayan?" kanya pang patuloy. 

"Determinasyong itigil ang patayan, panagutin ang kailangang managot, at ipanalo ang kampanya laban sa iligal na droga. Kung sa tingin nila matatapos ito dito, hindi nila ako kilala. Nagsisimula pa lamang ako."

Una nang tiniyak ng Philippine National Police na hindi maaapektuhan ng pagkakatanggal kay Robredo ang kampanya.

Sa kabila nito, kinilala pa rin ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac ang naging ambag ni Robredo sa kanyang maiksing panahon bilang anti-drug czar.

"Even though Vice President Leni Robredo is not with us anymore, we gained many ideas from her on how to improve the campaign such as her advocacy to rehabilitate drug users," sabi niya. — may mga ulat mula kay Patricia Lourdes Viray

ANTI-DRUG CZAR

ICAD

LENI ROBREDO

RODRIGO DUTERTE

WAR ON DRUGS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with