PCSO General Manager, ipapatawag ng Kongreso
MANILA,Philippines — Ipapatawag ng House committee on Games and Amusement si PCSO General Manager Royina Garma para hingin ang kanyang paliwanag kung bakit pinayagan nito na muling mag-operate ang Peryahan ng Bayan.
Ayon kay ACT-CIS Cong. Eric Yap, chairman ng komite, nais nilang malaman kung saan kumuha ng authority si Garma para muling buksan ang Peryahan ng Bayan na may utang pa sa PCSO.
“Magugulo lang ang mga palaro ng PCSO dahil may STL na, tapos may peryahan pa. Pareho lang ang konsepto ng kanilang laro,” anang mambabatas.
Sinabi ni Cong.Yap, bubuksan ang inquiry sa December 17, 2019 kasama ang lahat ng miyembro ng committee on games.
Base sa rekord na nakuha ng ACT-CIS mula mismo sa PCSO, mas malaki ang binabayad na revenue ng STL kaysa sa Peryahan.
“Halimbawa na lang sa Pangasinan, P38 milyon ang nireremit ng STL sa PCSO habang ang Peryahan ay P1.5 milyon lang sa isang buwan. Malinaw na ang may-ari lang ng Peryahan ang kumikita,” sabi ni Yap.
Nais marinig ng Kongreso kung anong dahilan para buksan muli ang Peryahan ng Bayan na hindi naman kumikita ang PCSO sa halip ay may daan-daang milyon pang pagkakautang sa gobyerno.
- Latest