MANILA, Philippines — Ipinagkibit-balikat lang ng isang dayuhang human rights advocate ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na sasampalin siya sa harap ni Bise Presidente Leni Robredo.
Ito ang inilahad ni Phelim Kine, direktor ng research and investigations ng Physicians for Human Rights, sa isang tweet Huwebes ng umaga.
"Noong 2015 nga binantaan kami ni Duterte na bibitayin kami sa harap ng publiko, bumuti siguro ang relasyon namin kung sampal na lang ngayon," sabi ng dating opisyal ng Human Rights Watch sa Inggles.
"Ano bang kinatatakutan niya at ng mga alipores niya?"
Given that in 2015 #Philippines Prez #Duterte threatened on-record to publicly execute me https://t.co/y7LkDwxulb, a face slap actually constitutes a warming of relations. But what is he and his henchmen so afraid of? This via @hrw https://t.co/CT21lppwDI https://t.co/NIQn0frELV
— Phelim Kine ?? (@PhelimKine) November 21, 2019
Tinutukoy ni Kine ang pahayag ni Duterte noong Mayo 2015, bago pa siya maging presidente, matapos irekomenda ng HRW na maimbestigahan ang mga diumano'y extra-judicial killings sa Davao — lugar kung saan alkalde si Digong ng ilang dekada.
"Gusto mong makatikim ng estilo ko sa hustisiya? Pumunta ka sa Davao City sa Pilipinas, magdroga kayo sa lungsod ko," sabi niya sa isang text message sa ABS-CBN.
"Papatayin ko kayo sa harap ng madlang-tao."
Ika-19 ng Nobyembre ng sabihin ni Duterte na sasampalin niya si Kine sa harapan ni Robredo, matapos sabihin na handa siyang tumulong sa bise para tapusin ang kaliwa't kanang pagpaslang ng madugong "war on drugs."
Inirekomenda rin ni Kine, na pinagkamalang "prosecutor" ng presidente, kay Robredo na ipaaresto si Duterte.
"I dare you, kung talagang dedicated ka, papasukin mo dito ang p********** 'yan. Pupuntahan kita sa opisina mo, sampalin ko 'yan sa harap mo," galit na sinabi ng pangulo.
Matatandaang itinalaga ni Duterte bilang co-chair ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs si Robredo upang tumulong sugpuin ang iligal na droga, gayong binabatikos niya ang marahas na pamamaraan ng administrasyon.
Una nang sinabi ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at presidential spokesperson Salvador Panelo na ayaw nilang papasukin ng bansa ang foreign rights advocate.