MANILA, Philippines — Ipinagbawal na ni Pangulong Duterte ang paggamit at pag-import ng vape o electronic cigarettes sa buong bansa.
“I will ban it, the use and the importation. I hope everybody is listening. You know why? Because it is toxic, and government has the power to issue measures to protect public health and public interest,” pahayag ng Pangulo.
Iniutos din ng Pangulo ang pag-aresto sa mga mahuhuling gumagamit nito sa pampublikong lugar.
Sabi ni Duterte na isang uri ng lason ang nasabing vape at bukod pa rito ay hindi rin umano ito pumapasa sa Food and Drug Administration.
Matatandaan na kinumpirma ng Department of Health (DOH) na naitala ang kauna-unahang kaso ng electronic cigarette or vaping-associated lung injury (EVALI) na kinasangkutan ng isang 16-anyos na babae mula sa Central Visayas.
Kasabay nito, inutos na ni PNP Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa ang nationwide crackdown sa mga magbi-vape sa mga pampublikong lugar.
“Wala namang kulong, ipapa-blotter lang at kukumpiskahin ang items,” sabi ni Gamboa.
Una nang nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order (EO) 26 na nagbabawal sa paninigarilyo sa pampublikong mga lugar sa bansa.
Isa pang EO ang nakatakdang ilabas para naman sa pagba-ban ng vape.
Kung may local ordinance patungkol sa vape ang isang lugar, mapapatawan pa ng karagdagang multa at parusa ang lalabag, ayon pa sa PNP.
Batay sa ilang pag-aaral, mas may masamang epekto ang paggamit ng vape kumpara sa sigarilyo.