3 bagong kaso ng polio naitala sa Mindanao

Kuha ng mass polio vaccination sa Maynila nitong Oktubre.
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health na nadagdagan ang bilang ng mga nadapuan ng peligrosong sakit na polio sa Pilipinas.

Sa ulat ng The STAR, sinabi ng DOH na nanggaling daw sa Kamindanaoan ang mga panibagong kaso.

Dahil dito, pito na ang kumpirmadong kaso ng sakit sa Pilipinas simula nang manumbalik ito ngayong 2019.

Kanina, nabanggit na ng DOH na tinitignan pa lang nila ang tatlong panibagong kaso.

Matatandaang naitala ang unang kaso nito matapos ang 19 taon nitong Setyembre sa isang 3-anyos na batang babae mula sa Lanao del Sur.

Ayon sa DOH, lubhang mabilis kumalat ang sakit at maaaring magdulot ng pagkaparalisa, at sa ilang pagkakataon, nakamamatay.

Walang gamot sa nasabing karamdaman ngunit maaaring mapigilan sa pamamagitan ng bakuna.

Samantala, inanunsyo naman ng lokal na gobyerno ng Maynila ngayong Miyerkules na nakatakda na ang ikatlong "massive polio vaccination drive" sa kabisera ng bansa sa susunod na linggo.

Sabi ni Dr. Arnold "Poks" Pangan, Manila Health Department chief, isasagawa ang synchronized vaccination mula ika-25 ng Nobyembre hanggang ika-7 ng Disyembre.

Sa datos ng MHD, umabot na sa 160,000 bata o 81.6% na ang nakatanggap nito sa lungsod sa unang dalawang round ng pagpapabakuna.

Inudyok naman ni Manila Barangay Bureau chief Romeo Bagay ang mga hepe ng baranggay na magkakaroon ng 95% coverage ng oral vaccines sa mga bata sa kanilang nasasakupan.

Antabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito. — may mga ulat mula kay The STAR/Shiela Crisostomo

Show comments