BUKIDNON, Philippines — Tatlo katao ang sugatan makaraang yanigin ng 5.9 magnitude na lindol ang lalawigan ng Bukidnon nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat ng Bukidnon Provincial Police Office, kinilala ang mga nasugatan na sina Emilda Acma, 54, at Lolita Guiren, 54, pawang mga residente ng Camp 1, Maramag at Andresa Polon ng Barangay Matambay, Kadingilan.
Napinsala rin ang nasa 150 kabahayan, mga ospital at mga paaralan at health centers.
Sa kabila nito ay nadadaanan pa ang lahat ng mga tulay.
Ayon sa Phivolcs, ang sentro ng lindol ay naitala sa Kadingilan, Bukidnon.
Bunga nito, naramdaman ang lakas ng lindol sa intensity 6 sa Kadingilan, Kalilangan, Don Carlos, Maramag, Kitaotao at San Fernando, Bukidnon at kalsada sa lalawigan.
Patuloy ang assessment ng mga lokal na opisyal sa pinsala ng lindol habang inaasahan ang posibleng aftershocks.