Refund iniutos sa Grab, 'sobra-sobra' ang siningil sa pasahero

May 60 araw ang Grab para isaoli ang aabot sa P5.05 milyon sa mga apektadong commuter matapos matuklasan sa third quarter review na sumobra ito sa fare cap na ipinataw ng PCC at iba pang transport authorities.
AFP Photo/Angelo Merendino

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Philippine Competition Commission ang mga panibagong pangako mula sa ride-hailing firm na Grab Philippines upang mapigilan ang "pag-aastang monopolyo."

Ngayong Lunes, sinabi ni PCC commissioner Amabelle Asunsion sa ulat ng ABS-CBN na lumagpas ang Grab sa pinapayagang 22.5% deviation mula sa pre-merger pricing level noong ikatlong kwarto.

Marso 2018 nang ianunsyo ng Grab na in-acquire nito ang operasyon ng San Francisco-based Uber, kanilang kakompitensya, sa Southeast Asia.

May 60 araw ang Grab para isauli ang aabot sa P5.05 milyon sa mga apektadong commuter matapos matuklasan sa third quarter review na sumobra ito sa fare cap na ipinataw ng PCC at iba pang transport authorities.

Sabi pa ni PCC chair Arsenio Balisacan, magkakaroon ng mekanismo upang mabigyan ng "rebate" ang publiko sa kani-kanilang Grab accounts. 

Maaari naman daw iapela ng Grab, sa pamamagitan ng motion for reconsideration, ang halaga ng refund.

Kasama sa P5-milyong refund, pinatawan na rin ng P23 million multa ang Grab mula Agosto 2018 hanggang Mayo 2019. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Louella Desiderio

Show comments