MANILA, Philippines — Tinanggihan ng Malakanyang ang panukalang bigyan si Pangulong Rodrigo Duterte ng special power para mapablis ang mga flagship project sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng pamahalaan na tinaguriang golden age ng infrastructure.
Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na gagamitin ni Duterte ang kinakailangan nitong kapangyarihan sa ilalim ng batas para matiyak ang pagpapatupad ng mga regulasyon para sa pagpapagawa ng mga proyektong imprastruktura ng administrasyon.
Nagbabala rin si Panelo na hindi mag-aatubili ang Office of the President na gamitin ang puwersa ng batas sa paggamit ng police power at power of imminent domain of state para lutasin ang mga usapin sa right-of-way.
“Ipapatupad at ima-maximize ng Pangulo ang anumang kasalukuyang nakalaan sa ilalim ng mga batas para sa layuning ito,” dagdag ni Panelo na isa ring chief presidential counsel.
Isa anya sa inheret power ng Estado ay ang power of eminent domain na, dito, ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng Office of Solicitor General ay maaaring kunin o magpasimula ng proceeding para makuha ang isang pribadong pag-aari para sa paggamit ng publiko.
Ipinaliwanag ni Panelo na mahalaga ang kapangyarihang ito sa pagkuha ng right of way na isang isyung sumasagka sa pagpapagawa ng mahahalagang imprastruktura.
“Kasalukuyang gumagamit ng ganitong proseso ang kasalukuyang mga ahensiyang sangkot sa infrastructure program,” dagdag niya.
Si Albay Rep. Joey Salceda ang nagsampa sa Kongreso ng House Bill No. 5456 na naglalayong pagkalooban si Duterte ng special power para pabilisin ang pagpapatupad ng “Build, Build, Build” program.
Pero sinabi ni Panelo na itinuturing nilang huli na ang naturang panukala at hindi na prayoridad ng Pangulo. Dahil meron na lang silang natitirang kulang kulang na tatlong taon sa puwesto.