Ex-Isabela Governor Padaca guilty sa graft, malversation

Si ex-Isabela Gov. Padaca nang dumalo kahapon sa promulgasyon ng kinakaharap na kaso sa Sandiganbayan.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Hinatulang guilty ng Sandiganbayan si da­ting Isabela Gov. Grace Padaca dahil sa kasong graft at malversation of public funds.

Nag-ugat ang kaso sa pagpasok umano ni Padaca sa P25 milyong rice program ng Isabela sa isang pribadong kumpanya noong 2016.

Si Padaca ay sinentensyahan ng 12-14 taong pagkakakulong sa malversation at 6-10 taon sa graft.

Pinayagan naman ang dating gobernador na doblehin ang bail bond na P70,000 para sa kaniyang provisional liberty habang inaapela ang kaso.

Nanindigan si Padaca na wala siyang ninakaw na kahit magkano sa pondo ng gobyerno, dahil ang naturang programa ay napunta lahat sa mga magsasaka sa kanilang lalawigan.

Dismayado rin si Padaca na sinabing hindi niya inaasahan ang hatol na guilty dahil binigyan siya ng kapangyarihan ng Sangguniang Panlalawigan na pumasok sa Memorandum of Agreement sa pagpapalabas ng pondo para sa mga magsasaka.

“I don’t even know what to say, yung P25 million na yun ni isang sentimo walang napunta sa akin, lahat napunta sa magsasaka ng Isabela,” ayon dito.

Inihayag ni Padaca at ng abogado nitong si Atty. Rogelio Vinluan na magsasampa sila ng motion for reconsideration upang mabaligtad ang hatol.

Magugunita na si Padaca ay itinalaga ni da­ting Pangulong Noynoy Aquino bilang Comelec chairman noong 2012 kung saan nagdesisyon itong i-award ang P25M sa Economic Development for Western Isabela at Northern Luzon Foundation, Inc. (EDWINLFI) para sa credit facility ng mga magsasaka sa Isabela pero kinasuhan si Padaca dahil sa kabiguan nitong isailalim sa public bidding ang nasabing deal.

 

Show comments