Presyo ng manok tumaas

Sa monitoring sa Sangandaan Market sa Caloocan City, nasa P200 na ang kada kilo ng manok buhat sa da­ting P170. Maging ang dating mura na paa ng manok ay mabibili na ngayon sa P150 kada kilo. Sa Trabajo Market sa Maynila, nasa P180-P185 naman ang kada kilo ng manok.
STAR/File

Pero bigas bumaba

MANILA, Philippines – Nababahala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mala­king itinaas sa presyo ng manok dahil sa kakapusan umano sa suplay habang makakabili na ang mga konsyumer ng mas murang kilo ng bigas sa merkado.

Sa monitoring sa Sangandaan Market sa Caloocan City, nasa P200 na ang kada kilo ng manok buhat sa da­ting P170. Maging ang dating mura na paa ng manok ay mabibili na ngayon sa P150 kada kilo. Sa Trabajo Market sa Maynila, nasa P180-P185 naman ang kada kilo ng manok.

Malayo umano ito sa P162 kada kilo na dapat na retail price dahil sa nasa P112 kada kilo lamang ang farmgate price ng manok, ayon sa United Broiler Raisers Association (UBRA).

Dahil dito, nanawagan ang DTI sa mga konsyumer na iulat sa kanila ang mga mapagsamantalang chicken stalls na nagbebenta ng manok mula P190 hanggang P200 kada kilo.

Maaaring itawag ang mga reklamo sa kanilang telepono sa (02) 7751 0384 / (02) 7791 3101 mula Lunes hanggang Biyernes o sa kanilang DTI Hotline 1-DTI (384) o magpadala ng text message sa 0917-834-3330.

Ikinakatwiran ng mga negosyante ang may kakapusan umano sa suplay ng manok ngunit iginiit naman ng UBRA na sapat ang suplay nito maging sa papasok na Kapaskuhan.

Samantala, ipinagmalaki ng DTI na mas mura na umano ngayon ang bigas. Ang regular milled rice na dating P34 ang kilo ay mabibili na sa P32 kada kilo. May ilan pa umanong retailers na nagbebenta nito sa halagang P28 lamang kada kilo.

Bumaba naman ang imported na “well-milled rice” sa P33 kada kilo buhat sa dating P36.

Show comments