MANILA, Philippines — Nagpaabot ng kanilang pagkundena ang mahigit 64 kinatawan ng Kamara kontra sa ginagawa diumanong panggigipit at pagpuntirya ng gobyerno sa mga progresibong grupo gaya ng Makabayan bloc at oposisyon.
Nanggaling ang mga mambabatas mula sa iba't ibang partido't legislative district — marami ay walang direktang pakikipag-alyansa sa mga maka-Kaliwang grupo.
"Kaming mga miyembro ng Kamara ay nagrerehistro ng aming pagkabahala sa nagpapatuloy na crackdown laban sa mga progresibong grupo tulad ng Makabayan bloc at ng oposisyon," sabi ng papel sa Inggles.
"Nakatira tayo sa isang demokratikong bansa at kinakailangang respetuhin at protektahan ang mga indibidwal at organisasyon, anuman ang tinatanganang ideolohiya, basta't sila'y kumikilos alinsunod sa batas."
— James Relativo (@james_relativo) November 14, 2019
Serye ng hulihan
Sunud-sunod ang mga inaresto't ni-raid na mga opisina ng mga aktibista nitong mga nagdaang linggo, na nagdulot ng pagkabahala ng marami.
Ika-31 ng Oktubre at ika-1 ng Nobyembre nang pagsasalakayin ng Philippine National Police at Philippine Army ang ilang bahay na tinutuluyan ng mga aktibista sa Escalante City at Bacolod City sa Negros Occidental, na dumulo sa pagkakaaresto ng 57 katao — kabilang ang ilang menor de edad.
Ang mga nabanggit ay inaakusahang miyembro at nagsasanay diumano ng mga miyembro ng New People's Army at Communist Party of the Philippines matapos daw ng ilang sandata't pampasabog.
Gayunpaman, pinakawalan na ang 32 sa kanila, bagay na nagpapatunay na gawa-gawa lang daw ang mga kaso, ayon kay Rafael Mariano, chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Pinatay naman sa harap ng kanilang bahay si Reynaldo Malaborbor, isang coordinator ng Makabayan sa Southern Tagalog noong ika-4 ng Nobyembre.
Noong ika-5 ng Nobyembre, ni-raid naman ang opisina ng Bagong Alyansang Makabayan sa Tondo, Maynila, na ikinaaresto ng tatlong aktibista.
Matatandaang sinabi ni Senior Supt. Bernard Banac, PNP spokesperson, na tinitiyak nila sa publikong ginagampanan lang nila ang kanilang mandato na ipatupad ang batas, habang nirerespeto ang karapatang pantao.
"Ang serye ng pag-aresto sa mga lider-aktibista at mga miyembro nila ay patunay lamang na gumagana ang rule of law at criminal justice system," sabi niya sa panayam ng PSN noong ika-5 ng Nobyembre.
Sa ulat ng GMA News nitong Lunes, matatandaang sinabi ni Sen. Ronald dela Rosa, na dating hepe ng PNP, na gagawin niya ang lahat upang "iligtas" ang kabataan sa mga maka-Kaliwang grupo, matapos niyang iharap sa plenaryo ang committee report hinggil sa mga "nawawalang" estudyante.
"Isipin niyo ang inyong mga anak, pamangkin o mga karaniwang bata na nakikita niyo sa kalsada, na pare-parehong maaaring marekluta ng mga rebolusyonaryong organisasyon at kanilang mga pinuno," ani Dela Rosa.
'Produktibong mga grupo'
Pero giit ng mga mambabatas, lehitimong pormasyon ang mga nabanggit, na nakatutulong pa nga sa pagpapatakbo ng pamahalaan.
"Ang Makabayan bloc ay isang produktibo at dinamikong parte ng House Minority, na may mga miyembrong gumaganpan sa kanilang papel bilang mahusay na fiscalizers ng administrasyon, bagay na saklaw naman ng Saligang Batas," dagdag ng papel.
"Ang mga pag-atakeng ito ay walang lugar sa demokrasya."
Kabilang sa Makabayan bloc ang mga party-list gaya ng Bayan Muna, Kabataan, Gabriela Women's Party, Alliance of Concerned Teachers at Anakpawis.
Bagama't matagal nang iniuugnay ng administrasyon ang mga naturang grupo sa CPP, walang armas ang sumusunod at hindi na ipinagbabawal ang pagsali sa partido simula nang ma-repeal ang Anti-Subversion Law noong 1992.