MANILA, Philippines — Kung hindi magbabago ang direksyon ng Tropical Storm Ramon, tinataya na sasagasa ito sa rehiyon ng Cagayan Valley pagsapit ng ika-17 ng Nobyembre.
"Pagdating ng Linggo, tatama siya sa area between the Northern Isabela and Cagayan area," ayon kay Ramond Ordinario, weather specialist ng PAGASA.
Pagsapit ng alas-otso ng Linggo, nasa kalupaan na ang bagyo sa bandang San Mariano, Isabela.
Kaninang alas-diyes ng umaga, namataan ang mata ng bagyo 290 kilometro silangan hilagangsilangan ng Virac, Catanduanes.
Kumikilos ito ngayon sa bilis ng 20 kilometro kada oras at may taglay na hanging aabot ng 65 kilometro kada oras malapit sa gitna.
Meron naman itong mga pagbugsong papalo ng hanggang 80 kilometro kada oras.
Inaasahan naman na magtatagal ng hanggang Miyerkules ang bagyo sa loob ng Philippine Area of Responsibility.
Itsura ng panahon
Tropical cyclone wind signal no. 2 pa rin ang nararanasan ngayong araw sa probinsya ng Catanduanes.
Samantala, nakataas pa rin ang signal no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- silangang bahagi ng Isabela (Divilacan, Palanan, Dinapigue)
- hilagang Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan)
- Polillo Island
- Camarines Norte
- Camarines Sur
- Albay
- Sorsogon
- Eastern Samar
- Northern Samar
Dahil pa rin sa bagyo, mahihina hanggang katamtaman na may sunud-sunod na malalakas na pag-ulan ang mararanasan sa Kabikulan, Quezon at silangang bahagi ng Isabela at Cagayan.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga nakatira sa mga nasabing lugar, lalo na yaong mga bahain at madalas tamaan ng landslide, na mag-ingat at makipag-ugnayan sa mga local disaster risk reduction and management offices, at patuloy na subaybayan ang mga updates.