'Bloodless' multi-million drug ops sa Makati, Maynila ikinatuwa ni Robredo

Kagabi, P6.8 milyong halagang shabu kasi ang nasabat sa isang bar sa Makati City habang P5.7 milyong halaga naman ang nakumpiska Miyerkules ng umaga sa isang buy-bust operation sa Tondo, Maynila.
Released/OVP

MANILA, Philippines — Pinapurihan ng bagong talagang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs ang serye ng mapayapang anti-narcotic operations na inilunsad simula kahapon na nakatimbog ng milyun-milyong halaga ng droga. 

Kagabi, P6.8 milyong halagang shabu kasi ang nasabat sa isang bar sa Makati City habang P5.7 milyong halaga naman ang nakumpiska Miyerkules ng umaga sa isang buy-bust operation sa Tondo, Maynila.

"Ginawa ito nang walang nasasakripisyong inosenteng buhay, at umaasa akong magpapatuloy ito habang tinatahak ang parehong layunin na sawatahin ang iligal na droga," wika ni Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang paskil sa Facebook sa Inggles.

Dalawa katao ang nahuli sa Makati matapos tumanggap ng delivery ng halos isang kilo ng shabu, na isinilid sa mga water purifiers, ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region director Joel Plaza.

Tatlo katao naman ang nadakip sa Maynila matapos mahulihan ng 850 pinaghihinalaang shabu.

Kilalang kritiko ng madugong gera kontra-droga si Robredo, na kumitil na sa buhay ng libu-libo, ngunit tinanggap ang alok na posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makapagligtas ng mga inosente.

"Saludo kami sa ating mga law enforcement agencies na bahagi ng magkasunod na operasyon," sabi pa ni Robredo.

Pakikipagtulungan sa Amerika

Nakipagkita na rin si Robredo sa ilang opisyal ng Estados Unidos kanina upang mapag-usapan ang estado ng pakikipagtulungan ng dalawa bansa pagdating sa kampanya kontra-droga.

Ayon sa Embahada ng Amerika, umupo sa pulong ang ikalawang pangulo sa isang inter-agency US government working-level delegation kasama ang mga opisyal mula sa US Federal Bureau of Investigation, Drug Enfrocement Agency, Department of State at US Agency for International Development.

"Napag-usapan din ang mga kakulangan sa kasalukuyang kampanya at ang mga tulong na maaari pa nilang maibigay para lalong paigtingin ang kampanya laban sa droga," wika ng bise.

Nitong linggo lamang, hinarap din niya ang mga opisyales ng United Nations Office on Drugs and Crime para matalakay ang mga pinakamahuhusay na paraan ng pagsugpo sa problema.

Una nang binanggit ng Palasyo na hayaang magtrabaho si Robredo, kahit na una na niyang tinawag na hindi epektibo ang estilo ni Duterte. 

"Hayaan nating magtrabaho ang ginang, suportahan natin," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.

"Huwag natin isipin na mabibigo siya."

Hindi sasama sa mga raid

Samantala, sinagot naman ng kampo ni Robredo ang pananaw ng ilan na dapat sumama sa aktwal na anti-drug operations ang bise presidente.

Ayon kay Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, wala naman daw problema na tumulong siya sa aktwal na efforts ng kapulisan, ngunit hindi raw maaasahan na susugod siya mismo sa mga raid.

"Hindi naman tayo raising expectation na si VP, who is head... eh magbu-bullet proof vest, kukuha ng baril at siya ang mangunguna doon sa raid," ani Gutierrez.

"Hindi naman obviously mangyayari 'yon."

Aniya, kahit mismong si Duterte ay hindi naman iyon ginagawa.

Nais din daw niyang makausap nang direkta ang mga sumusuong sa peligro upang mas maintindihan ang mga law enforcement officials.

Imbis na direktang maitalaga raw kasi ang mga tauhan ng pamahalaan sa raid ay baka mapunta lang ang mga ito sa pagproprotekta sa kanya, bagay na maaaring maka-distract lang sa tunay nilang trabaho.

"Kung operational command 'yan, nandoon siya sa command center, she gets a briefing, gustong gusto niya 'yon," dagdag pa niya.

Matatandaang iminungkahi ni Panelo na direktang sumama sa operasyon si Robredo oras na maging drug czar upang mas maintindihan ang totoong nangyayari roon.

"Ibang-ibang 'yung makita mo 'yung pangyayari kaysa marinig mo lang," wika ng tagapagsalita ng presidente.

Sang-ayon din diyan si Sen. Ronald dela Rosa, na dating hepe ng Philippine National Police, ngunit sinabing lubha itong delikado.

"Kung ikaw ang nagli-lead sa war, kailangan nasa forefront ka ng laban para alam na alam mo 'yung sitwasyon doon," saad niya kahapon. — may mga ulat mula kina Patricia Lourdes Viray, Rudy Santos, Emmanuel Tupas, Ralph Edwin Villanueva at News5

Show comments