MANILA, Philippines — Nakipagpulong ngayong Miyerkules ang dalawang senador mula sa Estados Unidos na naglalayong mapalaya si Sen. Leila de Lima, isang kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, na dalawang taon nang nakakulong.
Sa ulat ng GMA News, sinabi ni Philippine ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na binigyan niya ng karagdagang detalye sa kasalukuyang ginugulong ng kaso ni De Lima sina Senators Ed Markey and Dick Durbin.
Kasama rin daw sa napag-usapan nila ang kaso ni Maria Maria Ressa, na chief executive officer ng news organization na Rappler.
Noong Abril, kasama si Durbin sa limang US senators sa mga naghain ng bipartisan resolution na nagkundena sa pag-aresto kay De Lima, na humaharap sa ilang reklamo patungkol sa diumano'y pagkakasangkot niya sa paglaganap ng iligal na droga sa New Bilibid Prison.
"Mali ang ang patuloy na extrajudicial killings at walang batayang pagkakakulong nina Se. de Lima at Ms. Ressa," sabi ni Sen. Marsha Blackburn sa Inggles, na kasama rin sa mga naghain ng resolusyon.
Setyembre 2019, hiniling din ni Durbin sa komite ng American Senate na harangang makapasok ng Pilipinas ang mga government officials na nasa likod ng "politically-motivated" na pagkakakulong kay De Lima.
Noong Oktubre, sinabi naman ni Markey na dapat mapakawalan si De Lima dahil wala naman daw batayan ang mga kasong isinampa sa kritiko ni Digong, na nagtutulak ngayon ng madugong kampanya kontra iligal na droga.
Pagmonitor ng IPU sa kaso
Samantala, nagpasalamat naman kahapon ang Philippine opposition senator kay Mark Trowell, isang Australyanong abogado, sa paninigurong susubaybayan ng Inter-Parliamentary Union ang kanyang legal proceedings at "trumped-up" illegal drug trading cases.
Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Trowell, na isang trial observer ng IPU, na layon niyang bumalik ng Pilipinas upang dumalo sa mga pagdinig ni De Lima upang magkaroon ng mas detalyadong ulat sa IPU.
"Nagpapasalamat ako sa determinasyon niyang tutukan ang laban ko sa ligal upang masigurong nirerespeto ang pamantayan sa patas na paglilitis sa kaso ko sa bahagi ng [IPU], kahit na nangangahulugan na maglalakbay pa siya ng libu-libong milya mula sa kanyang tirahan," sabi ni De Lima.
Matatandaang nagtungo si Trowell sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 noong ika-8 ng Nobyembre nang ipagpaliban ng korte ang pagdinig sa diumano'y "conspiracy to trade illegal drugs" noong siya'y kalihim pa ng Department of Justice. — James Relativo