MANILA, Philippines – Dahil gumaganda ang sitwasyon ng peace and order, posibleng hindi na irekomenda pa ng Philippine National Police na palawigin pa ang martial law sa buong Mindanao na magtatapos na sa Disyembre 31 ng taong ito.
Ayon kay PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac, suportado ng PNP ang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na maaari nang tanggalin ang martial law sa Mindanao.
“Napakaganda na ng peace and order situation sa buong kapuluan ng Mindanao. Ang hinihintay na lamang natin ay dumating ang buwan ng Disyembre para tayo’y makapagbigay na rin ng opisyal na rekomendasyon,” pahayag ng opisyal.
“Sa ngayon, nakikita natin na maaari na rin talagang tanggalin ang martial law sa buong kapuluan ng Mindanao,” ani Banac.
Binigyang diin pa ni Banac na maging ang kriminalidad sa Mindanao ay nagiging maayos na kung saan nagagawa nang makontrol at mapigilan ng security forces ang pagkalat ng mga loose firearms o mga baril na walang lisensya sa rehiyon.
Magugunita na noong Mayo 23, 2017 ay isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa martial law ang buong Mindanao matapos maghahasik ng terorismo ang Maute- Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) kung saan ang krisis ay tumagal ng limang buwan. Tatlong beses ring pinalawig ang martial law sa buong rehiyon.