Bagong 'sin tax' sa yosi, alak at vape pinapapaspasan, sertipikado na ni Duterte

Wika ni Duterte sa Inggles, kailangan ito para "matugunan ang agarang pangangailangan para makalikom ng karagdagang pondo para suportahan ang epektibong pagpapatupad ng Universal Health Care Act," bagay na maitaguyod daw sa kalusugan ng bayan.
AFP/Eva Hambach

MANILA, Philippines — Pinagmamadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas upang tuluyan nang maipasa ang pagpapataw ng karagdagang buwis na magpapataas sa presyo ng mga produktong alak, tabako at electronic cigarettes.

Sa dokumentong nakatuon kay Senate President Vicente Sotto III, inilahad ng Malacañang ngayong Martes na "certified as urgent" na ang Senate Bill 1074.

Alinsunod sa mga probisyon ng Article VI, Section 26 (2) ng 1987 Conistitution, sinesertipikahan raw ito ni Digong upang mapabilis ang pagsasabatas ng nabanggit alang-alang sa kalusugan ng publiko.

Magkano ang magiging patong?

Kung maipapatupad, ang mga heated tobacco products ay papatawan ng P45 kada pakete na may lamang 20 piraso simula ika-1 ng Enero, 2020.

Tataas ang excise tax na ito ng P5 kada taon hanggang umabot ng P60 kada pack pagdating ng 2023.

Para sa indibidwal na cartridge, refill, pod o lalagyan ng vapor products na may nicotine salt, P45 kada millilitter na excise tax o kapraso nito ang ipapataw.

Dadagdagan ito nang dadagdagan hanggang umabot ng P60 pagsapit ng 2023.

Para sa karaniwang "freebase" o klasikong nikotina, P45 buwis sa 10 ml o kapraso nito ang ipapataw.

Dadagdagan ang buwis ng P5 taun-taon hanggang 2023.

Para naman sa mga fermented liquor gaya ng serbesa at mga "alcopop," layon ding magpataw ng specific tax rate na P45 kada litro sa 2020, na madadagdagan ng P10 taun-taon hanggang 2023.

Nasa 10% taun-taon ang itataas ng specific tax rate matapos nito.

Para sa mga wine, P600 kada litro naman ang ipapataw para sa mga sparkling wine habang P43 naman kada litro para sa still and carbonated wines.

Tinatatabg 10% ang itataas ng tantos taun-taon.

Pampondo sa UHC

Wika ni Duterte sa Inggles, kailangan ito para "matugunan ang agarang pangangailangan para makalikom ng karagdagang pondo para suportahan ang epektibong pagpapatupad ng Universal Health Care Act," bagay na maitaguyod daw sa kalusugan ng bayan.

Planong makalikom ng P40 bilyon hanggang P50 bilyon mula sa serye ng mas matataas na buwis para tulungan ang gobyerno na pondohan ang UHC, ayon kay Sen. Pia Cayetano noong Setyembre, na sponsor ng panukalang batas.

Oras na makamit ito, lalo raw mapadadali ang pagkamit ng Pilipinas sa kanyang Sustainable Development Goals.

"Hindi cure-all solution ang pagbubuwis pero kailangan ito para makontrol ang mga bisyo't pagka-adik at dapat natin itong gamitin," ani Cayetano. 

Bagama't nakikita ng ilan ang e-cigarrettes, o vape, na makatutulong sa pagtigil sa paninigarilyo, matatandaang itinulak ng Department of Health na tuluyan na itong ipagbawal.

Gayunpaman, tinutulan ito noong ika-5 ng Nobyembre nina Albay 2nd district Rep. Joey Salceda at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa dahilang masyado raw itong "exterme" at hindi kinakailangan.

Kahapon, pormal nang inanunsyo ng pamahalaang lungsod ng Pasay ang paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar. — may mga ulat mula kay The STAR/Paolo Romero

Show comments