Pagbasura sa Tokhang okay sa Palasyo
MANILA, Philippines — Hindi kokontrahin ng Malacañang ang planong pagbasura ni Vice-President Leni Robredo sa “Oplan Tokhang” bilang itinalagang drug czar ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa media briefing kahapon na lahat ng kinakailangang pagbabago sa diskarte sa paglaban sa illegal drugs ay ipinagkaloob ni Pangulong Duterte kay VP Robredo nang italaga niya itong co-chair ng Inter-Agency Committee Against Illegal Drugs (ICAD).
Ang tokhang ay isang operasyon ng pulisya na kinakatok ang mga hinihinalang drug trafficker o drug addict sa bahay ng mga ito para hikayating sumuko at ihinto ang kanilang iligal na gawain.
Noong Biyernes, sinabi ni Robredo na maraming walang saysay na pagpatay ang kaakibat ng Oplan Tokhang. Iminungkahi niya na subukan ang ibang epektibong paraan.
“Kung gusto niyang tanggalin iyan (Tokhang), eh siya ang anti-drug czar, kung sa tingin niya meron pang mas effective sa tokhang eh di gawin niya,” sabi ni Panelo sa isang pulong-balitaan.
Nang hingan ng paglilinaw kung bukas ang Malakanyang sa pagbasura sa Tokhang, sinabi ni Panelo, “Basta si VP Leni ang in-charge. So, whatever she feels that should be enforced, we will do it.”
Idinagdag niya na dapat bigyan si Robredo ng wide latitude at dapat nitong ipursige ang sarili nitong iskema sa pagpursige sa drug war na sinimulan ng administrasyong ito.
Isinusulong din ni Robredo ang zero killing sa giyera ng pamahalaan laban sa droga na kumitil nang halos 5,800 drug user at pusher mula nang maluklok sa kapangyarihan si Duterte.
“Kung sa tingin niya (VP Robredo) ay meron lang mas effective sa Tokhang e di gawin niya,” wika pa ni Sec. Panelo sa Malacañang reporters nang tanungin hinggil sa planong pagbasura ng bise-presidente sa Oplan Tokhang.
Idinagdag pa ni Panelo, kung mangangailangan ng karagdagang pondo si Robredo para tuparin ang kanyang pagiging drug czar ay ibibigay ito ng Malacañang.
“Kung kailangan niya. Bakit naman hindi,” dagdag pa ni Panelo sa media briefing kahapon sa Palasyo.
Hindi din sosoplahin ng Palasyo ang plano ni Robredo na hingin ang tulong ng Estados Unidos sa paglaban sa illegal drugs.
“If she feels makakatulong ang America, dati naman nang tumutulong ang America sa atin,” giit pa ni Panelo.
- Latest