Deadline ng desisyon sa Maguindanao massacre pinalawig ng Korte Suprema

Bibigyan ang hukom ng hanggang ika-20 ng Disyembre para makapaglabas ng hatol.
Philstar.com/Jonathan de Santos

MANILA, Philippines — Pinagbigyan ng Korte Suprema ang apela ng isang hukom mula sa Lungsod ng Quezon para mabigyan ng karagdagang oras na makapagdesisyon sa multiple murder case na inihain sa 100 suspek na idinadawit sa Maguindanao massacre noong 2009.

Ika-28 ng Oktubre nang magpadala si QC Regional Trial Court Branch 21 Judge Jocelyn Solis-Reyes ng liham sa Korte Suprema na humihiling ng dagdag na 30 araw para mag-rule sa mga kaso.

Sa isang liham na pinetsahan noong Huwebes, sinabi ng Office of the Court Administrator ng Kataas-taasang Hukuman na risonable ang kanyang apela.

Bibigyan ang hukom ng hanggang ika-20 ng Disyembre para makapaglabas ng hatol.

Inutusan din ng Office of the Court Administrator si Reyes para maghain ng kopya ng verdict sa mga kaso sa loob ng 10 araw ng promulgation.

Sa ilalim ng mga kasalukuyang panuntunan, may 90 araw ang isang hukom para magdesisyon sa kaso matapos ma-terminate ang trial.

Isinumite ni Reyes ang kaso para sa desisyon noong Agosto at may hanggang ika-22 ng Nobyembre para magpromulgate ng desisyon.

Ayon kay Chief Justice Diosdado Peralta, naiintindihan niya ang sitwasyon ng judge dahil napakaraming akusado't biktima sa kaso.

"Naiintindihan natin ang pinagdadaanan at umaasa akong hindi na siya hihingi ng isa pang extension para may desisyon na bago magtapos ang taon," ani Peralta sa Inggles.

"Frustrated ako sa nangyari sa mga biktima pero sa tingin ko ginawa ni Judge Reyes ang makakaya niya para mabigyang katarungan ang mga biktima at para mabigyan ang mga akusado ng kinakailangang due process alinsunod sa Saligang Batas."

Umabot ng 58 ang napatay sa masaker, kabilang ang 32 kawani ng media, sa malagim na trahedya.

Papunta na sana sila noon sa lokal na himpilan ng Commission on Elections para saksihan ang filing ng certificate of candidacy ng noo'y Buluan Vice Mayor Esmael Mangudadatu nang sila'y pagtatambangan sa Ampatuan, Maguindanao.

Ilan sa mga inaakusahang utak sa pagpatay ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan, na karibal sa pulitika ng mga Mangudadatu.

Si Datu Andal "Unsay" Ampatuan ang itinuturing na primary suspect sa kaso.

Isa lamang siya sa 197 na naunang inihabla kaugnay ng masaker. — James Relativo at may mga ulat mula kina Gaea Katreena Cabico at Kristine Joy Patag

Show comments