Plastik ipagbabawal ni Digong
MANILA, Philippines — Ikinokonsidera ni Pangulong Duterte na ipagbawal sa buong bansa ang paggamit ng mga plastik.
Ito ang nabatid kahapon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo na nagsabing ginawa ng Pangulo ang pahayag sa pulong ng Gabinete kamakalawa.
Lumitaw sa isang report hinggil sa plastic pollution noong 2015 na iniranggo ang Pilipinas bilang pangatlong pinakamalaking pinagmumulan ng mga plastik na natatapon sa mga karagatan. Sinusundan ng bansa ang China at Indonesia.
Dalawang panukalang batas na isinampa sa Senado nina Senators Cynthia Villar at Francis Pangilinan ang nagsusulong na ipagbawal ang mga single-use plastic.
Sa naturang mga panukalang-batas na nakabimbin sa committee level, pagbabawalan ang mga food establishments, stores, markets, at retailers sa paggamit ng single-use plastics.
Ang mga konsyumer ay pagagamitin ng mga reusable material at oobligahin ang mga manufacturer na magkolekta, mag-recycle at mag-dispose sa mga single-use plastic na nakakalat sa mga pamilihan.
Pagbabawalan din ang importasyon ng single-use plastic habang bibigyan ng insentibo ang mga indibidwal at negosyo na gagamit ng mga alternative materials.
- Latest