Pagpatay na labag sa batas 'wala sa plano' ni anti-drug czar Robredo

Bise Presidente Leni Robredo

MANILA, Philippines — Itutulak daw ni Bise Presidente Leni Robredo na maiwasan ang pagkalagas ng buhay ninuman ngayong siya'y co-chair na ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.

Ito ang kanyang ibinahagi bago nagsimula ang kanyang pakikipagpulong kay Philippine Drug Enforcement Agency director general Aaron Aquino, na kanyang makakatuwang sa parehong posisyon sa ICAD.

"Wala sa plano natin ang pagpatay kasi wala iyon sa bounds ng rule of law. Iyon ‘yung ating directive," sabi niya sa ulat ng GMA News, Huwebes.

Isang araw pa lang ang nakalilipas nang tanggapin niya ang hamon na pamunuan ang komite, na nilikha noong 2017 para harapin ang problema ng iligal na droga sa Pilipinas.

Ito ay kahit na hitik sa pandaigdigang batikos ang kampanya kontra-droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa dami ng namamatay na tulak, adik at inosente, na pumalo na sa 6,847 noong Agosto ayon sa Philippine National Police.

Pero nais daw baguhin ni Robredo ang kasalukuyang kalakaran.

"Maraming pagkakataon kasi iyong concentration ay nasa maliliit [na drug pushers]. Dapat mas maraming resources at oras para hanapin iyong mga malalaki. Yun ang aking directive. Pero iyong pagpatay, whether malaki o maliit, wala iyon sa usapan," dagdag pa niya.

Una nang sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na Cabinet-rank post ang nakuha ni Robredo, gayong may ranggong undersecretary naman ang co-chair ni Robredo na si Aquino.

Taong 2016 nang huling maging bahagi ng Gabinete si Robredo noong siya'y chairperson pa ng Housing and Urban Development Coordinating Council.

Bagama't nagdadalang-isip pa noon sa alok ng presidente na maging anti-drug czar, hindi na raw niya napigilang kunin ang posisyon sa paniniwalang magagamit niya ito sa mabuting paraan.

"Kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente, at mapanagot ang dapat managot, papasanin ko ito," sabi niya sa isang talumpati Miyerkules ng hapon.

Kilalang kritiko ng war on drugs ang ikalawang presidente ngunit sinabing nais niya pa ring tumulong upang masugpo ang problema.

DILG: Magiging 'informed' na ang kritisismo niya

Samantala, umaasa naman ang ilang ahensya ng gobyerno na mas magiging lapat sa lupa ang pananaw ni Robredo ngayong malapit na siyang magtratrabaho kaugnay ng kampanya.

Ayon kay Department of Interior and the Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya, bagama't mabibigyan ni VP ng "fresh perspective" at alternatibong estratehiya ang gobyerno, sana'y magbigay daan ang posisyong iginawad daw sa kanya upang magkaroon na ng batayan ang kanyang mga kritisismo.

"Sa personal kong pananaw, ang mga pambabatikos ni Robredo pagdating sa mga numero ay hindi nakabatay sa [tamang] datos," ani Malaya sa panayam ng ABS-CBN kanina sa Inggles.

Aniya, hindi raw patas ang mga inilulutang na numero sa mga alagad ng batas na nasa bingit ng kamatay araw-araw sa pagpuksa ng droga.

Sa ulat ng Commission on Human Rights noong 2018, binanggit ni chairperson Chito Gascon na maaaring umabot na ng 27,000 ang namamatay sa kampanya.

Wika pa ni Malaya, pagkakataon na ito upang ma-brief siya sa estado ng anti-drug war at maihalo ito sa kanyang mga bagong ideya.

"Kung ang prayoridad ng bise presidente ay tignan ang drug problem bilang isyung pangkalusugan, madagdagan ang rehabilitation programs para sa mga lulong sa droga, tingin ko'y siya ang nasa pinakamaayos na posisyon para maimpluwensyahan ang rehabilitation cluster," saad ng opisyal.

Miyerkules nang tiyakin ni Panelo na hangad nila ang tagumpay ni Robredo sa ICAD at hindi siya hahadlangan sa kanyang bagong trabaho.

"Ang tagumpay niya [ni Robredo] ay tagumpay ng Gabinete, ng administrasyon at lalo na ng mamamayang Pilipino," ani Panelo.

Sa kabila nito, pinaalalahanan naman ni Sen. Ronald dela Rosa, na dating hepe ng PNP, na kakailanganin talagang sumabak sa labanan kung seryoso si Robredo.

"Gera ito. Kailangan mong lumaban. Hindi ka pwedeng pa-cute cute dito. Hindi ito beauty contest, gera ito," kanyang paglilinaw habang sinasabi na may mamamatay talaga sa pagtutulak ng kampanya. — may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero

Show comments