VP Robredo tinanggap ang alok na maging 'drug czar' ni Duterte

"Kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente, at mapanagot ang dapat managot, papasanin ko ito," sabi niya sa isang talumpati Miyerkules ng hapon.
File

MANILA, Philippines (Updated, 2:56 p.m.) — Pormal nang tinanggap ni Bise Presidente Leni Robredo ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangunahan ang kampanya kontra iligal na droga sa gitna ng kanyang mga kritisismo rito.

'Yan ay kahit una nang sinabi ng kanilang kampo na nagdududa sila sa pagiging sinsero ng presidente, gayong hindi naman daw nag-eexist ang posisyong "co-chair" ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs sa Executive Order 15.

"Kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente, at mapanagot ang dapat managot, papasanin ko ito," sabi niya sa isang talumpati Miyerkules ng hapon.

"Kaya tinatanggap ko ang trabaho na ibinibigay sa akin ng pangulo."

 

 

Ang posisyon ay matatandaang isinalarawan ni presidential spokesperson Salvador Panelo bilang isang pwesto sa Gabinete.

"Welcome ang bise presidente sa Gabinete. Ginintuang opurtunidad ito na dapat niyang kunin. Pagkakataon niya ito. Kunin na niya... Inaantay siya ng kasaysayan," ani Panelo sa Inggles.

Sabi pa ni Panelo, maaari na siyang magsimula agad sa posisyon bukas na bukas kung tatanggapin niya ito.

Una nang sinabi ni Panelo na tila umiilag ang kampo ni Robredo sa hamon ng presidente, at bukas silang kumuha ng mga mungkahi mula sa kritiko ng drug war.

Panelo: Ligal ang posisyon kahit walang amyenda sa EO No. 15

Sinagot naman ni Panelo ang kwestyon ni Barry Guttierrez, tagapagsalita ni Robredo, na hindi ligal at "existent" ang ibinibigay na posisyon sa ikalawang pangulo.

"Taliwas diyan, hindi na kailangang amyendahan ang Executive Order 15. Kailangan niyo lang sumangguni sa Article VII, Section 17 ng 1987 Constitution, at Book III, Title III, Chapter 10, Section 31 ng 1987 Administrative Code," paliwanag ni Panelo, na isang abogado.

Ang EO 15 ang kautusang bumuo sa ICAD noong 2017.

Aniya, si Duterte ang tanging may otoridad na lumikha ng posisyon, items, at may kapangyarihang magsaayos ng mga instrumentalidad sa loob ng burukrasya.

Martes nang sinabi ni Gutierrez na wala masyadong laman, pangil at ligal na basehan ang pagkakaroon ng co-chair ng ICAD.

"Very clear na 'yung co-chair, kapag tinignan mo 'yung Executive Order Number 15, ay hindi nag-eexist na posisyon under the EO itself," sabi ng tagapagsalita ni Robredo.

"So hindi namin alam kung papaano mareremedyuhan 'yon, dahil wala namang naka-attach na ammendment to the executive order doon sa memorandum na ipinadala."

Sa kabila nito, malinaw naman daw na ibinigay ito ni Duterte bilang pagtanggap na may kakulangan ang war on drugs.

Posisyon, 'patibong' nga lang ba?

Ngayong araw, tinawag na "trap" ni Sen. Leila de Lima ang ibinigay na posisyon kay VP.

"Ang patuloy na paglulutang ng diumano'y 'drug czar' Cabinet post para kay VP Leni Robredo ang pinakanakalulungkot at pinakabobong inire ng administrasyong ito kamakailan," sabi niya sa kanyang Dispatch from Crame No. 637.

"Para 'tong patibong na inilagay ni Tom para kay Jerry habang nagtatago siya sa sulok, umaasang tatanga-tanga si Jerry na kakagat sa pain na madaling maamoy ng three-year-old na bata."

Wika ni De Lima, na kapwa kritiko rin ni Duterte, hindi magiging epektibo ang posisyon para mapagtagumpayan ang kampanya ng presidente, na pumatay na ng 6,847 ayon sa Philippine National Police noong Agosto. 

Sa kabila nito, hindi naman daw ito lingid sa kaalaman ni Robredo.

"Maraming nagpahayag na pangamba na hindi sinsero ang alok, na ito ay isang trap na ang habol lang ay siraan at pahiyain ako," sabi pa ni Robredo sa kanyang talumpati.

"Maraming nagpayo na dapat kong tanggihan ang alok dahil pagpasa lang sa akin ito ng responsibilidad para sa mga kabiguan ng drug war."

Robredo: Hindi ko aatrasan ito

Gayunpaman, hindi naman daw aatras si Robredo kung magagamit niya ang posisyon para sa mabuti.

Aniya, nais niyang mapanagot din ang mga abusadong opisyal gaya ng "ninja cops," nagpalusot sa tone-toneladang shabu at malalaking sindikato na nasa likod ng pagkalat ng droga.

"At kahit sabihin na natin na ang alok na ito ay pamumulitika lamang, at hindi naman talaga ako susundin ng mga ahensya... handa akong tiisin ang lahat ng ito," dagdag pa niya.

"[K]ung meron akong maililigtas na kahit isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay kailangan ko itong subukan."

Kung inaakala raw ni Duterte ay tatahimik siya sa mga puna niya sa gera kontra droga, nagkakamali raw ang presidente.

"Tinatanong nila ako kung handa ba ako para sa trabahong ito. Ang tanong ko, 'Handa ba kayo para sa akin?'" — may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero

Show comments