DOTr officials nag-ambagan para sa quake victims

MANILA, Philippines – Nag-ambagan na rin ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) para tulungan ang mga biktima ng serye ng malalakas na lindol sa Mindanao.

Nagkasundo ang undersecretaries, assistant secretaries at mga pinuno ng  attached agencies ng DOTr sa pangunguna ni Transportation Sec. Arthur Tugade na boluntaryong i-donate ang kanilang 14th month pay sa pamamagitan ng Du30 Cabinet Spouses Association, Inc.

Ayon kay Tugade, ang ideyang ito ay lumabas sa talakayan para sa magiging pagtugon ng ahensya sa pangangailangan ng mga nilindol na lugar.

Winasak rin ng malalakas na lindol ang mara­ming kalsada at iba pang mga imprastraktura sa rehiyon.

Subalit sabi ng kalihim, na mas dapat unahin ngayon ang pangangailangan ng mga residente gaya ng pagkain, inumin, kuryente at ligtas na matitirhan.

Binigyang diin ni Tugade na hindi importante kung gaano kalaki ang maiambag dahil ang mahalaga ay pairalin ang diwa ng pagtulong sa kapwa lalo na sa panahon ng kalamidad.

 

Show comments