MANILA, Philippines — Bahala na raw ang korte magdesisyon sa kasasapitan ng 57 katao na hinuli sa serye ng mga raid at pag-aresto sa mga progresibong grupo't indibidwal at grupo sa Negros Occidental, paglalahad ng Philippine National Police, Martes.
Ika-31 ng Oktubre at ika-1 ng Nobyembre nang magkakasunod na salakayin ng PNP at Philippine Army ang himpilan ng iba't ibang grupo sa Escalante City at Bacolod City, sa bisa ng search warrant na inilabas ni Quezon City Regional Executive Judge Ceciline Burgos Villabert.
"Ang serye ng mga pag-aresto ng mga miyembro't lider aktibista ay nagpapakitang gumagana ang batas at hustisya," wika ni PNP spokesperson Senior Supt. Bernard Banac sa panayam ng PSN.
Ilan sa mga naaresto ay nagmula sa Bayan Muna, National Federation of Sugarcane Workers, Karapatan at Kilusang Mayo Uno.
Una nang sinabi ni Capt. Cenon Pancito III, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division, na apat na fragmentation grenades, 32 hand guns, pittong rifle grenades, dalawang Calymor mines, iba't ibang bala, "subersibong dokumento't mga patalim ang kanilang nakalap.
Pero giit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, itinanim lang ang mga nabanggit: "Kailangang malaman ng publiko ang katotohanan — gumamit ng depektibong search warrant at itinanim lang nila ang mga ebidensya," ani Danilo Ramos, KMP chairperson.
Menor kasama; may pananagutan ba?
Kabilang sa mga nahuli sa mga bahay at opisina sa Negros ang 15 menor de edad.
Ayon kay Pancito, ginagamit daw ang ang raided offices bilang "training center" ng New People's Army para maging "child warriors."
Nang tanungin kung ligal ba at mapakakawalan ang mga naarestong menor de edad, ito ang sinabi ni Banac: "Ipauubaya namin sa korte na pag-aralan ang merito ng kaso."
Ayon sa Section 6 ng Republic Act 9344, o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, hindi pwedeng panagutin sa batas ang mga batang 15-anyos pababa.
"A child fifteen (15) years of age or under at the time of the commission of the offense shall be exempt from criminal liability. However, the child shall be subjected to an intervention program pursuant to Section 20 of this Act."
Ang mga batang lagpas 15 taong gulang ngunit mas bata sa 18 ay lusot din sa pananagutan sa batas maliban na lang kung mapatunayang ginawa niya ito nang may "discernment," dahilan para dumaan ang bata sa "diversion program."
Nananawagan naman ang Bayan Muna, Amihan, KMP at Kabataan party-list na agarang mapalaya ang mga bata, sampu ng kanilang mga kasama.
Tiniyak naman ng PNP na hindi nila aabusuhin ang mga inaresto.
"Ginagampanan ng PNP ang mandato nito na ipatupad ang batas alinsunod sa mga nailatag na procedures habang nirerespeto ang kanilang karapatang pantao," wika pa ni Banac.
Pandaigdigang pagtutol
Samantala, umani naman ng pagkundena mula sa 59 grupo mula sa 18 bansa ang malawakang mga pag-aresto sa tinatawag nilang "Negros 57."
Ilan sa mga lumagda sa nasabing joint statement na inilabas ng Pan Asia Pacific ay nanggaling sa:
- Bangladesh
- Belgium
- Cambodia
- Cameroon
- India
- Indonesia
- Kazakhstan
- Kyrgyzstan
- Malaysia
- Mongolia
- Myanmar
- Nepal
- Pakistan
- Pilipinas
- Sri Lanka
- Thailand
- Vietnam
- Zambia
"Halatang may kampanya para sistematikong targetin ang mga grupong kritikal sa polisiya ng gobyerno, kabilang ang pagpapaunlad ng kanayunan at reporma sa lupa," sabi ng pahayag.
"Kasama kami sa kampanya para sa mapayapang resolusyon sa armadong tunggalian sa pamamagitan ng pagsagot sa kawalan ng lupa at kahirapan ng mga naroroon."
'Martial law' sa Metro Manila?
Samantala, nagbabala naman ang Bayan Muna sa diumano'y pagkalat ng "crackdown" mula probinsya hanggang Kamaynilaan.
Martes, ika-5 ng Nobyembre, ni-raid naman ang opisina ng Bagong Alyansang Makabayan sa Tondo, Maynila, na dumulo sa pagkaka-aresto ng tatlong aktibista roon.
"Ang raid na ito ay kamukha ng modus operandi na ginawa ng pulis sa panghuhuli't pagsasampa ng gawa-gawang kaso gaya ng illegal possession of firearms and explosives sa Bacolod," sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.
Saad niya pa, ang mga "koordinadong atake" laban sa mga progresibo sa buong kapuluan ay ginagamit para ilayo ang atensyon ng taumbayan sa mga tunay na problema, habang niraratsada ang charter change, privatization at Kaliwa dam.
Kaninang umaga rin, inireklamo naman ng grupong League of Filipino Students at Anakbayan ang pagtambay ng mga kapulisan at diumano'y mga miyembro ng Special Weapons and Tactics sa kanilang mga opisina sa Bluementritt, Sampaloc, Manila.
Sa tala naman ng Kabataan, hindi pa rin natatagpuan simula ika-2 ng Nobyembre si Honey Mae Suazo, na dating miyembro ng Karapatan.
Lunes, ika-4 ng Nobyembre, pinatay naman sa harap ng kanyang bahay si Reynaldo Malaborbor, isang coordinator ng Makabayan sa Southern Tagalog.
Sa kasalukuyan, aktibo lamang ang martial law sa buong Mindanao.
Gayunpaman, matagal nang inihahalintulad sa batas militar ang ipinatutupad na Executive Order 32 sa mga probinsya ng Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at rehiyon ng Bicol.