MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Philippine National Police Academy ang limang kadete na sangkot sa pambubugbog sa isang kadete na naratay sa pagamutan bunga ng pisikal na pang-aabuso.
Ayon kay PNPA Spokesman Lt. Col. Byron Allatog, ang limang kadete ay pawang mga upperclassmen ng biktimang si Cadet 4th Class John Desiderio.
Ang nasabing mga kadete ay isinailalim sa ‘isolation’ habang iniimbestigahan at pinagpapaliwanag sa loob ng 24 oras bago sampahan ng kasong administratibo.
Sinabi ni Allatog na kinausap na ng mga operatiba ng Silang Police si Desiderio kaugnay ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga akusado sa paglabag sa anti-hazing law.
Si Desiderio ay isinugod sa PNP General Hospital noong Oktubre 29 matapos na dumaing ng matinding pananakit ng kaniyang tiyan bago ito inilipat sa East Avenue Medical Center.
Si Desiderio ay nasa mabuti ng kondisyon at nakalabas na sa pagamutan.