MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Animal Industry na nagpositibo ang ilang produkto ng Mekeni Food Corporation sa African swine fever, Lunes.
Ayon sa BAI, ilang samples ng skinless longganisa at hotdog mula sa planta ng kumpanya ang nakakitaan ng sakit matapos ang dalawang validation tests na isinagawa sa hiling na rin ng manufacturer.
Ang resulta ay ibinahagi sa isang joint press conference na isinagawa ng Department of Agriculture at Department of Health, kasama sina DA Secretary William Dar at DOH Undersecretary Eric Domingo.
JUST IN: The Bureau of Animal Industry confirms that samples of skinless longganisa and hotdog from the plant of Mekeni Food Corporation tested positive for African Swine Fever. BAI said 2 validation tests were conducted as requested by the manufacturer.@News5AKSYON @onenewsph
— Shyla Francisco (@ShylaFrancisco) November 4, 2019
Ayon kay Domingo, sa 178 plantang may lisensyang mag-operate, 63 na ang nasuri.
Sa kabila nito, nagnegatibo naman sa ASF ang iba pang sample sa planta ng Mekeni.
Ang mga nagnegatibo sa sakit ay may mga karneng nagmula sa Canada, Estados Unidos at Pransya.
Sa ngayon, inaaral pa naman daw ng BAI kung saan kinuha ng Mekeni ang pork na ginamit sa mga produktong nagpositibo.
Noong ika-26 ng Sabado, sinabi ng Mekeni na boluntaryo nilang ipina-recall ang kanilang pork-based products sa kabila ng bali-balitang natagpuan ang sakit sa kanilang mga karne.
Ngayon pa lang direktang tinukoy ng gobyerno ang tatak na may ASF matapos paghinalaan na nagkaroon lamang ng cross contamination sa pagitan ng branded at homemade pork-based products na nasabat sa Calapan Port sa Mindoro.
Bagama't hindi nakaaapekto sa kalusugan ng tao ang ASF, matindi ang epekto nito sa mga baboy na maaaring makaapekto sa lokal na industriya ng pagkakarne.
Inilabas ang anunsyo matapos ideklara ng Cavite na binabawi na nila ang "ban" sa pagpasok at paglabas ng processed pork sa kanilang probinsya. — may mga ulat mula sa News5 at The STAR/Louise Maureen Simeon