MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na alisin lahat ng mga namamalimos at iba pang balakid sa kalsada na humaharang sa mga truck na nagdadala ng relief goods sa mga lugar sa Mindanao na naapektuhan ng mga lindol.
“Inatasan ko na ang militar at pulisya na paalisin ang mga taong ito sa highway at pabalikin sila sa kanilang mga komunidad para masilbihan nang maayos,” sabi ni Lorenzana.
Ang kautusan ni Lorenzana ay ginawa matapos makarating sa kanya ang mga ulat na sinusugod ng mga tao ang relief vehicles at kinukuha ang mga ito.
Binanggit din ni Lorenzana ang hinggil sa mga tao sa mga highway na merong hawak na mga placard at nanghaharang ng mga sasakyan na merong relief goods at kinukuha ang mga ito.
“Ang nangyayari nitong huli ay sinusugod ng mga tao ang mga relief vehicles at kinukuha ang lahat nilang makukuha na ikinaagrabyado ng iba,” diin niya.
Paliwanag ng kalihim, kailangan na ng tulong ng AFP para magkaroon ng kaayusan sa mga evacuation centers at magkaroon na rin ng kaayusan sa pamamahagi ng relief goods.
Bukod dito, pinag-utos na rin ng kalihim ang pagsasagawa ng checkpoints sa lahat ng entry points ng disaster areas para ma i-record nila lahat ng relief goods at mga ginagawa ng relief workers.
Maaari rin umanong ang tropa ng militar ang mamahagi ng mga relief goods kung bibigyan sila ng direktiba sa mga eksaktong lugar na bibigyan ng tulong.
Iginiit pa ni Lorenzana na sa pamamagitan ng checkpoints ay masasala ang mga usisero sa lugar.
Inatasan na rin niya ang engineering contingent ng AFP na magtungo sa mga lugar na kailangan ng tulong sa rescue at recovery.
Handa na rin umano ang NDRRMC sa Kidapawan sa kanilang operasyon para sa mga kailangan na supplies tulad ng water containers dahil karamihan sa kanilang donors ay bumili pa nito dito sa Maynila at dadalhin sa Davao kasabay na rin ng iba pang supplies na inaasahang dadating matapos ang araw.
Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa provincial governor na siyang in-charge sa lahat ng relief operations.
Tiniyak din ni Lorenzana na mayroong sapat na relief goods na nakahanda at ang kailangan lamang ay tamang distribusyon sa mga biktima ng lindol.
Sinabi naman ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad na gumagana ang mga pamilihan, merong sapat na suplay ng pagkain na mabibili ng mga may kaya at ang problema lang ay ang mga tao na walang pera.
Patuloy din anya ang pagdating ng mga supplies na ibinibigay sa mga biktima at pamilyang nawalan ng tirahan.
Ang DND sa tulong ng military ay nagpapadala ng mga C-130 cargo plane para magdala ng pagkain sa Mindanao.
Wala anyang problema sa suplay kaya hindi na kailangan ang tulong ng ibang bansa.