MANILA, Philippines — Humihingi ngayon ng tulong ang bise alkalde ng Makilala, Cotabato bunsod ng epekto ng sunod-sunod na lindol na nangyari nitong Martes, Huwebes at Biyernes — dahilan para maubos ang pera nilang para sa kalamidad.
"'Yung calamity fund ng municipality is depleted, and the resources namin, depleted," sabi ni Vice Mayor Ryan Tabanay sa panayam ng ABS-CBN.
Niyanig pa lang ng dalawang lindol ngayong linggo ang malaking bahagi ng Mindanao nang biglang maging epicenter ng magnitude 5 na lindol ang Makilala kaninang 2:07 p.m.
Earthquake Information No.2
— PHIVOLCS-DOST (@phivolcs_dost) November 1, 2019
Date and Time: 01 Nov 2019 - 02:07 PM
Magnitude = 5.0
Depth = 002 kilometers
Location = 06.80N, 125.11E - 018 km S 07° E of Makilala (Cotabato)https://t.co/WvZJvAibPg
Ilan sa mga kailangan daw nila sa ngayon ang pagkain at mga trapal, na ginagamit para lumikha ng pansamantalang bubong para sa mga nasalanta.
"Ngayon, we are calling the benevolent hearts of our kababayan, tulungan niyo po ang Makilala," dagdag pa ni Tabanay.
"Awang-awa na po kami dito, kailangan po namin ng immediate na tulong."
Sa desperasyon ng mga residente roon, nagsulat na ang ilan ng mga karatula kung saan umaapela sila ng mga supply gaya ng bigas, tubig at tarpaulin.
This sign, written in Cebuano dialect, translates to "we need rice, water and tarpaulin" as roofing material for a makeshift shelter, was posted by an earthquake-stricken family along a highway in Barangay Batasan in Makilala. (Photo courtesy by Amiel Cagayan) | via John Unson pic.twitter.com/fR8VaNmjEP
— The Philippine Star (@PhilippineStar) November 1, 2019
Umabot na sa 16 ang patay habang 403 ang sugatan dulot ng halinhinang mga insidente ngayong linggo.
Itinigil na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang pagtatala ng mga aftershock ng 6.6. magnitude na lindol kahapon matapos tumama ang 6.5 magnitude na lindol noong Huwebes.
Sa panayam ng Philstar.com sa Phivolcs, sinasabing 968 aftershocks na ang naobserbahan mula sa lindol noong Martes habang 381 na ang naitatalang aftershocks kaugnay ng lindol kahapon.
Ang magnitude 5 na lindol na nangyari ngayong hapon sa Makilala ay inaasahan ding susundan ng mga aftershocks.
Kanina, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na naglaan na ng P1,009,358 halaga ng tulong ang Department of Social Welfare and Development at Office of Civil Defense-Davao Region sa mga apektadong pamilya sa Mindanao. — may mga ulat mula sa The STAR