Mindanao inuga uli ng 6.5 lindol
MANILA, Philippines — Sa ikatlong pagkakataon ay muling niyanig ng magnitude 6.5 na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao, kahapon ng umaga.
Ayon kay Maimai Balmediano, spokesperson ng Office of Civil Defense (OCD) Region 12, lima ang naiulat na nasawi sa bayan ng Makilala, North Cotabato.
Ang lima ay nakilalang sina Juve Jauod, 7, nabagsakan ng hollow blocks sa ulo ng Brgy. Buenavista; Tessie Alcaide sa landslide sa Brgy. Luayon; Brgy. Chairman Cesar Bangon, nabagsakan ng gumuhong Brgy. Hall sa Brgy. Batasan; Rommel Galicia, 20, sa landslide sa Brgy. Luayon; Prescilla Verona, 70, nabagsakan ng hollow blocks sa gumuho nitong tahanan sa Brgy. Malasilla.
Nasa 21 na ang inisyal na ulat ng mga nasugatan.
Naramdaman ang lindol bandang alas-9:11 ng umaga. Natukoy ang epicenter sa layong 33 km hilagang silangan ng Tulunan, North Cotabato kung saan din naramdaman ang 6.6 lindol nitong Martes na ikinasawi ng walo katao at ikinasugat ng nasa 300 iba pa.
Ilang gusali na ang natukoy na gumuho, kabilang na ang Eva’s Hotel sa Kidapawan City kung saan maswerte na inabandona na ito bago pa man bumagsak.
Kabilang pa sa mga nagtamo ng pinsalang istraktura ay ang gusali ng Himeji, Ecoland Residence 400 sa Ecoland, Davao City; Happy Place 3/F Emcor Laderas Building, Paulino Hospital, A&B Hotel sa Digos City, Davao del Sur.
Pinakagrabeng tinamaan ng lindol ang Tulunan, Kidapawan City sa Cotabato; Sta. Cruz, Matanao, Bansalan at Magsaysay sa Davao del Sur na nasa Intensity VII.
Naramdaman naman ang Intensity VI sa Tampakan, South Cotabato, Intensity V General Santos City, Tupi, South Cotabato, Isulan, Sultan Kudarat at Intensity IV sa Lebak Sultan Kudarat, Kiamba at Alabel, Sarangani; Koronadal City, General Santos City at Intensity III sa Gingoog City at Cagayan De Oro City.
Nilinaw naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesman Mark Timbal na ang pagyanig kahapon ay hindi “aftershock” ng nagdaang mga lindol.
“According to our contacts in PHIVOLCS, this is a separate incident. This is not connected. It is a separate incident from the October 29 and October 16,” pahayag ni Timbal.
Idinagdag pa nito na ipinapakita ng lindol na mataas ang ‘seismic activity sa lugar at may mga faults na present sa area.
Tiniyak naman ng Phivolcs na walang banta ng tsunami dahil sa lindol.
Noong Oktubre 16 ay tumama rin ang 6.3 magnitude na lindol sa Tulunan, Cotabato na ikinasawi ng 7 katao.
- Latest