MANILA, Philippines — Bagama't binabantayan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sitwasyon sa mga tinamaan ng lindol sa Mindanao kanina, hindi direktang pupunta sa mga nasalanta ang presidente.
'Yan ay kahit na nasa Davao City lang si Digong nang mangyari ang magnitude 6.5 na lindol, Huwebes ng umaga.
Sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo, tinutugunan na raw kasi ito ng mga responsableng local government units kung kaya't ayaw na niyang makialam.
"[M]inabuti ng presidente na umiwas muna sa personal na pag-iinspeksyon at pagmando sa mga tinamaan ng trahedya dahil nagsasagawa na ng operasyon ang mga LGU," wika ni Panelo sa Inggles.
READ: Sec. Salvador Panelo says President Duterte is closely monitoring the situation in areas affected by earthquake; Duterte will push through with his trip to Bangkok to attend the ASEAN Summit. pic.twitter.com/JxVV6QAPTW
— christina mendez (@xtinamen) October 31, 2019
Aniya, epektibo na raw ang mga ito sa pagresponde sa kanilang kritikal na mga pangangailangan.
Sa kabila nito, inutusan na niya ang pamahalaan, gamit ang mga iba't ibang ahensya, upang magbigay ng agarang tulong na hihingiin ng mga nabanggit.
Bagama't nasa Mindanao rin kanina, tiniyak naman ni Panelo na ligtas ang presidente.
Ang nangyaring lindol kaninang umaga ang ikalawang pinakamalakas na lindol ngayong linggo, matapos tumama ng 6.6 magnitude na lindol sa epicenter na Tulunan, North Cotabato noong Martes.
Pupuntang Thailand
Imbis na direktang pumunta sa mga nasalanta, inanunsyo ng Palasyo na matutuloy ang kanyang biyahe papuntang Thailand bukas.
"[T]uloy ang biyahe niya sa Bangkok, Thailand bukas ng hapon bilang pagdalo sa ika-35 na [Association of Southeast Asian Nations] Summit at Related Summits," sabi ng tagapagsalita.
Ang Pilipinas ay matatagpuan sa paligid ng Pacific Ring of Fire, na madalas tamaan ng lindol at pagsabog ng mga bulkan. — may mga ulat mula kay The STAR/Christina Mendez