MANILA, Philippines — Binigyan ng palugit na hanggang Lunes (Nobyembre 4, 2019) ni Philippine National Police Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa ang Internal Affairs Service (IAS) para desisyunan ang panibagong kaso ng umano’y ninja cop na si Police Lt. Joven de Guzman.
Si de Guzman ay una nang pinatawan ng 52 araw na pagkakasuspinde base umano sa rekomendasyon ng PNP-IAS.
Itinanggi naman ni IAS Director Atty. Alfegar Triambulo na 52 araw na pagkakasuspinde ang ipinataw nila laban kay de Guzman na posible umanong nadoktor sa tanggapan ng Discipline and Legal Office Division (DLOD) ng Directorate for Records Management (DPRM).
Iginiit ni Triambulo na ‘dismissal order’ ang kaniyang rekomendasyon laban kay de Guzman.
Una nang ipinaliwanag ni Gamboa na dapat talagang matanggal na sa serbisyo si de Guzman dahil hindi na aakma ang hatol na dismissal order ng PNP-IAS sa ikinasong less grave offense lamang kay de Guzman sanhi ng command responsibility kaya ibinalik sa nasabing tanggapan ang kaso.
Idiniin ni Gamboa na, dati-rati, ang karaniwang timeline ay 30 araw para matapos ang imbestigasyon, pero kaya naman itong tapusin sa loob ng 15 araw.
Magugunita na si de Guzman na kabilang sa 13 umano’y “ninja cops” na nasangkot sa pagre-recycle ng droga sa Pampanga noong 2013 ay hinatulan ng dismissal ng IAS kasama ang 7 pulis-Antipolo City sa hiwalay na kaso ng pagtatanim ng ebidensya sa lungsod noong Mayo 2019.