MANILA, Philippines — Nakataas sa code white alert ang Department of Health (DOH) ngayong Undas.
Nangangahulugan ito na lahat ng mga health facilities ng DOH sa buong bansa ay nakaalerto para sa posibleng emergency situations.
Maging ang mga medical staff ay nakaalerto rin at kung natapat naman sa day off nila ang naturang araw, ay dapat on call pa rin ang mga ito.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Rosette Vergeire, ang code white alert ay tatagal hanggang sa Nobyembre 2.
Samantala, may paalala naman si Health Secretary Francisco Duque III sa mga kababayan natin na magpupunta sa mga sementeryo upang dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa kalihim, hangga’t maaari ay huwag na sanang magsama ng mga bata o sanggol at mga matatanda lalo na ang may mga karamdaman.
Kung hindi maiiwasan, tiyaking mababantayang mabuti ang mga paslit upang hindi mawala ang mga ito sa sementeryo.
Maaari ring maglagay ng papel sa bulsa ang mga bata, kung saan nakasulat ang kanilang pagkakakilanlan at contact numbers.
Sa halip na bumili ng pagkain sa mga ambulant vendors ay mas makabubuti rin aniyang magdala na lamang ng baong pagkain, ngunit dapat na tiyaking maayos ang pagkakahanda rito para hindi madaling mapanis at makaiwas sa food poisoning.
Dapat rin aniyang tiyakin na magbabaon ng maraming tubig para makaiwas sa dehydration.
Ani Duque, kailangang planuhing mabuti ang pagtungo sa sementeryo, at tiyaking magdadala ng panangga sa matinding init o kaya ay pag-ulan, gaya ng payong, sumbrero at pamaypay.