DepEd: Klase 'half-day' lang para sa pampublikong kindergarten-Grade 12 bukas

"Ang suspensyon ng klase para sa mga pribadong eskwelahan ay nasa desisyon na ng kani-kanilang school administration," ani Briones.
Philstar.com/File

MANILA, Philippines — Mapuputol sa kalahati ang pasok ng ilang estudyante bukas, ika-31 ng Oktubre, bilang paghahanda sa paggunita ng Undas sa Biyernes.

Ang anunsyo ay inilabas ng Department of Education sa pamamagitan ng Memorandum 154, s. 2019 ngayong Miyerkules. 

"[L]ahat ng klase sa buong bansa mula Kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampublikong paaralan ay suspendido sa nasabing araw, pagsapit ng alas-dose ng tanghali," ani DepEd Secretary Leonor Briones sa Inggles.

Aniya, kaugnay daw ito ng inilabas na Memorandum Circular 69 ng Office of the President sa pamamagitan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Sa nasabing kautusan kasi, ipinag-utos ni Medialdea na suspdihin ang pasok sa lahat ng government officer pagsapit ng 12:00 p.m. sa Huwebes.

Gagawin daw ito sa mga tanggapan ng gobyerno upang "mabigyan ng opurtunidad na maggunita nang maayos ang All Saints Day," at nang makapagbiyahe pa sila papuntang probinsya.

Pero paglilinaw ng DepEd, ang suspensyon mula tanghali ay para lang sa mga pampublikong paaralan.

"Ang suspensyon ng klase para sa mga pribadong eskwelahan ay nasa desisyon na ng kani-kanilang school administration," ani Briones.

Una nang idineklara bilang special non-working days ang ika-1 at ika-2 ng Nobyembre, batay sa Presidential Proclamation 555.

Kahapon, una nang nag-anunsyo ng mga pagsuspinde ng klase at half-day ang lokal na gobyerno ng Tugegarao, Dagupan City, San Fernando City, UP Diliman, Baliuag University, Cagayan State University, University of Nueva Caceres Law Student Board, Central Mindanao University at CIIT.

Manila classes half-day 'sa lahat ng lebel'

Kung ang half-day ng DepEd ay para lang sa mga nasa pre-school hanggang highschool bukas, saklaw naman ng suspensyon bandang tanghali sa Maynila ang lahat ng estudyante.

Ito ang kinumpirma ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa kanyang Executive Order 48 na inilabas ngayong hapon.

"[S]a kapangyarihang iginagawad sa akin ng batas, sinususpindi ko ang lahat ng klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas sa ika-31 ng Oktubre 2019," ani Domagoso.

Sa kabila nito, sinabi ng alkalde na magpapatuloy pa rin ang serbisyo at operasyon ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Department of Engineering and Public Works, Department of Public Serbices, Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Health Department, anim na ospital ng lungsod at mga ahensyang kailangang magbigay ng batayang serbisyo.

Show comments