MANILA, Philippines — Daan-daan ang sugatan habang dalawa katao ang nawawala sa ngayon dulot ng magnitude 6.6 na lindol na tumama sa Kamindanaoan nitong Martes ng umaga.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, Miyerkules, pumalo na sa 394 ang sugatan.
Kahapon, nasa 173 pa lang ang naitatalang injured dulot ng pagyanig. Ang mga biktima ay pawang nagmula sa Northern Mindanao, Davao at Soccsksargen.
Sa Valencia City, Bukidnon, isang customer ng isang mall, epleyado ng city hall at tatlong estudyante ng Valencia City High School ang naitalang nahimatay dahil sa pag-uga ng lupa.
Sa Magsaysay, Davao del Sur, isa ang nasagip mula sa pagguho ng lupa sa Baranggay Upper Bala, na nagtamo ng bali sa buto.
Sa parehong munisipalidad at baranggay, dalawa din ang naiulat na nawawala dahilsa pagguho ng lupa.
Umabot naman sa 133 imprastruktura ang nagtala ng "total damage" mula sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen at Bangsamoro Administrative Region in Muslim Mindanao.
Ang ilan sa mga ito ay eskwelahan, sentrong pangkalusugan, gusali ng gobyerno, sambahan at iba pang private commercial establishments.
Di bababa sa 5 ang patay
Sa ulat ng The STAR aabot na sa pito ang bilang ng patay, ayon sa mga lokal na opisyal. Samantalang lima pa lamang ang kumpirmado ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Narito ang limang nabanggit:
- Nestor Narciso, 66-anyos mula Koronadal City (nahulugan ng debris)
- Angel Andy, 22-anyos mula Arakan, Cotabato (namatay sa rockslide)
- Rene Boy Andy, 7-anyos mula Arakan, Cotabato (namatay sa rockslide)
- Maricelle Moria, 23-anyos mula Banayal, Tulunan (nahulugan ng debris)
- Jesriel Pabra, 15-anyos mula sa Magsaysay, Davao del Sur (nahulugan ng debris)
Sa ngayon, nakapaghanda na ng P1,109,437,849.36 standby funds ang central office at field offices ng Department of Social Welfare and Development.
Sa nasabing pera, P1,076,221,717.34 ang available bilang quick response fund sa sentrong opisina ng DSWD.
Nasa 333,285 na family food packs na nagkakahalaga ng P128,060,328.07 naman ang naihanda na ng ahensya.
Maliban pa ito sa food and non-food items na nagkakahalaga ng P741,305,060.70.