^

Bansa

6.6 lindol uli sa Mindanao: 6 patay

Joy Cantos, Angie dela Cruz, Rhoderick Beñez - Pilipino Star Ngayon
6.6 lindol uli sa Mindanao: 6 patay
Hindi kinaya ng town hall na ito ang lakas ng lindol na nagpaguho rin sa isang paaralan nang tumama ang 6.6 magnitude na lindol sa Mindanao. Masuwerteng nakalabas ang mga estudyante at guro na napaupo na lamang sa damuhan.
AFP

MANILA,Philippines — Anim katao ang kumpirmadong namatay sa pagtama ng  6.6 magnitude na lindol na yumanig sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, kahapon ng umaga.

Naitala ang sentro ng lindol sa Tulunan, North Cotabato, Mindanao na nilindol din nitong Oktubre 16.

Kabilang sa mga nasawi ang Grade 9 student ng Kasuga National High School na si Jessebel Parba, na tinamaan ng hollow block sa kasagsagan ng lindol sa Magsaysay, Davao del Sur.

Namatay din ang 66-anyos na si Nestor Narciso ng Koronadal, South Cotabato na na­bag­sakan ng pader ng simbahan.

Nasawi rin ang mag-amang Angel Andy, 22 at kanyang 7-anyos na anak na si Rene Boy Andy matapos na madaganan ng malaking bato ang bahay nila sa Lanao Kuran sa bayan ng Arakan, North Cotabato.

Patay din ang buntis na si Marishell Morla, 23, ng Sitio Alimodian sa barangay Banayal sa bayan ng Tulunan makaraang matumbahan ng kahoy habang lumilindol.

Samantala nasa 300 katao ang iniulat na nasugatan sa nasabing lindol.

Alas-9:04 ng umaga nang maitala ang magnitude 6.6 na lindol sa may bayan ng Tulunan.

Umabot hanggang Intensity VII na pagyanig ang naramdaman sa ilang lugar gaya ng Tulunan at Makilala sa Cotabato, Kidapawan City, at Malungon sa Sarangani. 

Intensity VI sa Davao City; Koronadal City; Cagayan de Oro City; Intensity V sa Tampakan, Surallah and Tupi, South Cotabato; Alabel, Sarangani; Intensity IV sa Ge­neral Santos City; Kalilangan, Bukidnon; Intensity III-Sergio Osmeña Sr., Zamboanga del Norte; Zamboanga City; Dipolog City; Molave, Zamboanga del Norte; Talakag, Bukidnon at Intensity 1 sa Camiguin, Mambajao.

Tumama ang lindol sa halos kaparehong lugar na tinamaan ng magnitude 6.3 na lindol noong Oktubre 16, na ikinamatay ng nasa 7 tao.

Itinuturing na “main quake” ang lindol kahapon kaysa lindol na tumama noong Oktubre 16, ayon sa Philippine Ins­titute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Nilinaw naman ng Phivolcs na walang banta ng tsunami dahil nasa lupa ang sentro ng lindol.

Nag-abiso rin ang Phivolcs sa posibleng pinsala sa pagyanig at kahandaan sa aftershocks.

Lumikas palabas ng mga gusali ang mga manggagawa, gaya ng mga empleyado sa mga business process outsourcing company, mga pasyente sa ospital at mga estudyante dahil sa pagyanig.

Sinuspinde na rin ang trabaho at klase sa ilang lugar para ma-assess ng mga awtoridad ang epekto ng lindol sa mga istruktura.

Kasunod ng lindol, nanawagan din ang Ma­lacañang sa mga residente ng Mindanao na manatiling kalmado.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagsasagawa na sa kasalukuyan ang mga government agencies gayundin ang local government units ng rapid damage assessment habang inaalam na rin ng mga ito ang pa­ngangailangan ng mga nabiktima ng pagyanig. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)

LINDOL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with