Takeover ng water utilities ibinabala ni Duterte

Kasunod ito ng pahayag ng Pangulo na gagamitin niya ang kaniyang “extraordinary powers” para maresolba ang naka-ambang panibagong krisis sa tubig sa Metro Manila.
Pixabay

MANILA,Philippines — Posibleng iutos ni Pangulong Duterte ang pagtake-over ng gobyerno sa water utilities sa Metro Manila.

Kasunod ito ng pahayag ng Pangulo na gagamitin niya ang kaniyang “extraordinary powers” para maresolba ang naka-ambang panibagong krisis sa tubig sa MM.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, malinaw sa probisyon ng saligang batas na pangunahing mandato o tungkulin ng Pangulo na paglingkuran at pangalagaan ang mga mamamayan.

Kung nakikita umano ng chief executive ang paghihirap ng publiko gaya ng kawalan ng tubig na maiinom o kaya’y magagamit sa pang-araw araw na pangangailangan ay posible niyang iutos ang paglilipat ng pangangasiwa sa water utilities sa gobyerno mula sa water concessionaires sa MM.

Ipinaliwanag naman ni Panelo na kailangang magdeklara ng national emergency ang chief executive upang maipatupad ang government takeover sa water utilities.

Aniya, nasa Pangulo pa rin umano ang pagdedesisyon kaugnay dito lalo’t nakatatanggap naman ito ng briefer mula sa water authorities.

Show comments