MANILA,Philippines — Umapela si House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate kay Pangulong Duterte na sertipikahan na bilang urgent ang mga panukala sa Kamara na layong dagdagan ang tinatanggap na buwanang pensyon ng mga senior citizen.
Ang panawagan ay gjnawa ni Zarate matapos lumabas sa pag-aaral ng isang Australian firm ang tungkol sa pensyon para sa mga retirado kung saan isa ang Pilipinas sa may pinakamalalang sistema sa buong mundo.
Paliwanag ng kongresista, dapat nang madaliin ang pag-apruba sa House Joint Resolution Number 1 para sa second tranche ng SSS Pension hike na magdadagdag ng P1,000 sa pinakamababang lebel ng pensyon at House Bill 241 na magtataas sa social pension ng senior citizens sa P1,000.
Mula umano noong 2010 ay hindi na nadagdagan ang P500 kada buwan na social pension ng matatanda na wala nang halaga ngayon dahil sa pagtaas ng buwis na dulot ng TRAIN Law.
Ang masakit pa umano rito, ilang buwan na rin delayed ang distribusyon ng pensyon.
Dahil dito, iginiit ng kongresista na sana ay magsilbing wake-up call sa administrasyong Duterte ang inilabas na ulat para isaayos ang pension system sa bansa.
Base sa 2019 Melbourne Mercer Global Pension Index, 43.7 out of 100 ang ibinigay na grado sa Pilipinas pagdating sa pension system na may ranking na 34th mula sa tatlumpu’t pitong bansa.